309 total views
Iminungkahi ng CBCP – Episcopal Commission on the Laity na ipatupad muna ang minimum na sahod bago isulong ang panukala sa senado na pagbibigay ng 14th month pay na may katumbas na isang buwang sahod sa pribadong sektor.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng komisyon, tinutulan nito ang panukalang batas na nais ni Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto na bigyan ng karagdagang isang buwang bonus bukod pa sa natatanggap na 13th month pay ang mga rank and file employees o iyong mga wala sa managerial positions.
Paliwanag ni Bishop Pabillo limitado lamang ang makikinabang sa naturang bonus pay habang naisasakripisyo naman ang matagal ng hinihiling ng mga manggagawa na taasan ang kanilang sahod.
“Ang una nating gagawin muna ay dapat bigyan atleast ipatupad yung minimum wage. Ipatupad yung minimum wage at pagkatapos walk towards living wage para sa lahat. Yung ganyan ilan ang tatamaan niyan kung ibibigay ang 14th month pay kung hindi pa name – minimum ang lahat ng tao. Yan muna ang seryosohin nila,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Veritas.
Ipinunto rin ng obispo na iwaksi na ang “regionalization” na hindi makatarungan ang “minimum wage rate” ng ilang mga rehiyon at hiniling nito na ipatupad ang minimum na sahod sa lahat ng probinsya na makabubuhay o “living wage”.
“Alam natin na ang living wage ay mga P1 thousand a day yung ating minimum ngayon ay P491 lang. Paano na gagawin yan at sana yung ating minimum wage ngayon ay hindi na regional ngunit sa lahat sa buong bansa. Kasi tumataas ang presyo ng lahat, kaya ngayon by regionalization ang ibang mga region ay napakaliit ng kanilang minimum na hindi nga napapatupad,” giit pa ni Bishop Pabillo sa Radyo Veritas.
Sa ulat ng Ibon Foundation, kinakailangan ng bawat manggagawa ang P750 national minimum wage upang tugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng bawat pamilya.
Naitala rin nito na umabot lamang sa P77 ang itinaas na minimum wage sa National Capital Region mula P404 noong July 2010 sa P481. Ito na ang pinakamababang naitalang pagtaas ng sahod mula pa taong 1990.