244 total views
Nanindigan ang Department of Environment and Natural Resources sa wastong pangangalaga sa kalikasan at pangangasiwa ng maayos sa pag-gamit sa likas na yaman ng Pilipinas upang matiyak na hindi mawawalan ng maayos na tahanan ang susunod na henerasyon.
Inihayag din ni DENR Secretary Gina Lopez na layunin ng ahensya na maturuan ang bawat Filipino na bigyang pagpapahalaga ang kalikasan higit sa anu pa mang mga bagay.
“A cleaner and greener environment would make people healthier and happier. You may have a lot of money, but why should money be your goal?” Pahayag ni Lopez.
Dagdag pa rito, nangako si Secretary Lopez sa pinakahuling Senate budget briefing na mananatiling matatag ang DENR sa pagkamit ng kanyang layunin na malinis, malusog at mas maaliwalas na kapaligiran para sa mga Filipino.
“We will measure the impact on four areas: health, economy, peace and order, and the environment,” dagdag ni Lopez.
Magugunitang sa pagsisimula ng panunungkulan ng bagong administrasyon ng DENR ay pangunahin nitong tinutukan ang usapin ng pagmimina.
Sa kasalukuyan sampung minahan na ang sumasailalim sa suspension order ng DENR, mula sa mga lalawigan ng Zambales, Palawan, Surigao Del Sur, at Bulacan.
Inaasahan naman lalabas ang kabuuang ulat ng mining audit ng DENR ngayong septyembre.
Samantala, sa Laudato Si ni Pope Francis, ilang ulit nitong binigyang diin ang kahalagahan ng pagsasaalang alang ng kalikasan at ng common good, bago ang pansariling interes.