2,611 total views
Iginiit ni Borongan Bishop Crispin Varquez na walang mabuting maidudulot ang patuloy na pagpapahintulot sa sektor ng pagmimina sa bansa.
Ayon kay Bishop Varquez, hindi dapat pahintulutan ng pamahalaan ang pagmimina na nagiging sanhi lamang ng pinsala sa kalikasan, lalo na sa mga mahihirap na pamayanang umaasa lamang sa pagsasaka at pangingisda.
“Hindi talaga dapat pinapayagan ang anumang klase ng mining. Destructive kasi ang pagmimina sa environment and community. Hindi lang ang mga tao ang mag-suffer kun’di kasama na ang kalikasan. Kaya ang Diocese of Borongan ay hindi talaga susuporta d’yan sa pagmimina lalo na dito sa Samar Island,” bahagi ng pahayag ni Bishop Varquez sa panayam ng Radio Veritas.
Magugunita nitong Abril nang maglabas ng pahayag ang Diyosesis ng Borongan laban sa pagmimina sa Homonhon Island sa Guiuan, Eastern Samar.
Sinabi ni Bishop Varquez na sa kabila ng kanilang panawagan ay patuloy pa ring pinapahintulutan ang mga pagmimina sa isla na unti-unting sumisira sa likas na ganda nito.
“Hindi lang naman mineral ang kinukuha nila kun’di pati ‘yung lupa, yung ore mine nila. Kaya ano pang maiiwan sa mga tao? Nasisira na ‘yung magandang kagubatan at bundok dito. ‘Yung water system or source of water is affected na pati ‘yung marine life and farm areas,” ayon kay Bishop Varquez.
Kaya naman muling nanawagan ang Obispo sa mga kinauukulan na ihinto na ang pagbibigay ng permit sa mga kumpanya ng pagmimina para mapigilan at mailigtas pa ang Homonhon Island mula sa tuluyang pagkasira.
Kaugnay nito, kinondena nina Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos at Caritas Philippines president, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo ang “Big brother-Small brother” strategy ng Department of Environment and Natural Resources na layong makatulong para sa pag-unlad ng sektor ng pagmimina sa bansa.