5,922 total views
Kinondena ng mga makakalikasang grupo ang patuloy na pagmimina ng OceanaGold Philippines Inc.(OGPI) sa Didipio, Nueva Vizcaya.
Ito ay sa kabila ng pagpasa ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Vizcaya ng Resolution No. 2019-3107 na nagpapatigil sa kontrata ng O-G-P-I.
Nakiisa ang Alyansa Tigil Mina (ATM) sa panawagan ng Didipio Earth Savers Multisectoral Alliance (DESAMA), United People of Kasibu at local na pamahalaan ng Nueva Vizcaya na ipatigil na ang pagmimina sa lugar.
Kaugnay nito, nanawagan si Jaybee Garganera, National Coordinator ng Alyansa Tigil Mina kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa Department of Environment and Natural Resources na agad kanselahin ang mining contract ng OceanaGold.
“Sumasama kami doon sa panawagan kay Pangulong Duterte na agad niyang kanselahin yung mining contract o ‘yung Financial and Technical Assistance Agreement ng OceanaGold dahil wala na itong license to operate; ayaw ng tao, ayaw ng mga magsasaka, ayaw ng local government unit kaya dapat makinig ang DENR at si presidente mismo kasi siya lang naman yung pwedeng magkansela ng mining contract.” Pahayag ni Garganera sa Radio Veritas
Patuloy naman ang Simbahang Katolika sa pagsusulong sa pangangalaga ng kalikasan.
Sa Ensiklikal na Laudato Si, kinondena ni Pope Francis ang hindi makatarungang pagmimina ng mga malalaking kompanya.