422 total views
Inilunsad ng grupong Alyansa Tigil Mina ang Mining Hell Week upang muling bigyang pansin ang sitwasyon ng pagmimina sa bansa na lubhang nakakaapekto sa kalikasan at kabuhayan ng bawat mamamayan.
Ayon kay ATM National Coordinator Jaybee Garganera, malayo na ang kalagayan ng kalikasan ng bansa ngayon kumpara noong si Gina Lopez pa ang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) noong ito’y nabubuhay pa.
Dagdag ni Garganera na hindi tinupad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pangakong pangangalagaan ang kalikasan, bagkus ay lalo pang napinsala dahil sa mga ipinatupad na batas.
Isa na rito ang Executive Order 130 na ipinatupad nitong Abril na nakapaloob ang pagbawi sa siyam na taong moratoryo para sa pagmimina para makatulong na muling makabangon ang ekonomiya ng bansa dulot ng krisis sa pandemya.
“Binaliktad na ang polisiya sa pagmimina. Wala na ang moratorium sa mga bagong aplikasyon. Pinahina na ang ban on open pit mining, bagamat nandyan pa rin ang ban on open pit mining… Mas madali, mas marami at mas malawak ang mga mina ngayon dahil sa administrasyong ito na ginawa nang essential industry ang pagmimina,” pahayag ni Jaybee Garganera sa paglulunsad ng Mining Hell Week 2021.
Giit pa ni Garganera na hindi ito ang tugon para sa muling pagbangon ng ekonomiya ng bansa dahil lubos lamang nitong ilalagay sa kapahamakan ang kalagayan ng kalikasan lalo’t higit ang mga apektadong komunidad.
Magugunitang noong Setyembre 2017, ipinag-utos ng namayapang si DENR Secretary Lopez ang pagpapasara at pagpapahinto sa mining operations ng 26 na mining companies dahil sa paglabag sa environmental standards at Philippine Mining Act of 1995.
Sang-ayon naman sa Laudato Si ng Kanyang Kabanalan Francisco, mariing tinututulan ng Santo Papa ang industriya ng pagmimina dahil nag-iiwan lamang ito ng labis na pinsala sa mga komunidad at nakadaragdag sa labis pang paghihirap ng mamamayan.