1,233 total views
Layunin ni Presidential candidate Leodegario “Ka Leody” de Guzman na pigilan ang industriya ng pagmimina sa bansa kapag nanalo bilang pangulo sa nalalapit na Halalan 2022.
Sa isinagawang Catholic E-Forum sa Radio Veritas, sinabi ni de Guzman na dapat na muling ipatupad ang mining moratorium kung saan ipinagbabawal ang pagsasagawa ng pagmimina sa bansa.
Iminungkahi rin ng kandidato na bawiin at muling pag-aralan ang Mining Act of 1995 upang umangkop sa kasalukuyang kalagayan ng bansa at hinaharap na suliranin ng kalikasan.
“Ibalik natin ‘yung moratorium sa kagyat at ‘yung mga open-pit mining ipatigil natin ‘yan; at reviewhin talaga hanggang sa pagpapa-repeal nung Mining Act of 1995,” pahayag ni de Guzman.
Maliban sa pangambang maidudulot ng pagmimina sa likas na yaman ng bansa, bibigyang-pansin din ni de Guzman ang kalagayan ng mga katutubong lubos na apektado ng pinsalang idinudulot ng iba’t ibang proyekto para sa pag-unlad ng ekonomiya.
Sinabi ni de Gu8zman na sa kanyang pamahalaan, mas bibigyang boses ang mga katutubo at magpapatupad ng mga polisiya upang pagtibayin ang kanilang karapatan laban sa mga makapangyarihang kumpanya.
“Kailangang suportahan at kilalanin ‘yung kanilang integridad, ‘yung sarili nilang kultura at pagbuhay ng ekonomiya. Suportahan natin ‘yun at pagyabungin para proteksyonan ‘yung ating mga katutubo,” giit ni de Guzman.
Samantala, pabor din ang presidential candidate na suportahan ang pagsusulong para sa “renewable energy” upang magkaroon ng malinis na mapagkukunan ng enerhiya ang bansa sa halip na patuloy na mamuhunan sa coal-fired power plant.
Si de Guzman ang unang humarap sa one-on-one interview sa Catholic E-Forum na bahagi ng voters education campaign ng Radio Veritas at Archdiocese of Manila na ‘One Godly Vote’ bilang paghahanda sa nalalapit na 2022 national at local elections.