87 total views
Nananawagan ang dalawang Apostoliko Bikaryato sa Palawan para sa pagpapatupad ng mining moratorium upang mapangalagaan ang lalawigan bilang ‘last ecological frontier’ ng Pilipinas.
Sa pinagsamang liham pastoral, inihayag nina Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona, Taytay Bishop Broderick Pabillo, at Taytay Bishop-emeritus Edgardo Juanich ang matinding pagtutol sa pagmimina, na nagdudulot ng labis na pinsala sa kalikasan tulad ng pagkasira ng mga gubat, soil erosion, polusyon sa ilog, at pagkamatay ng coral reefs.
“Hindi lang nakakalbo ang mga bundok natin, nawawala pa ang mga lupa nito na inaanod ng ulan at baha. Nalalason ang mga ilog at nagiging banta sa ating kalusugan. Dala nito, nadudumihan ang ating mga dalampasigan at karagatan na nagdadala ngpagkamatay ng mga bahura natin at kawalan ng kabuhayan ng ating maliliit na mangingsda,” pahayag ng mga obispo.
Binanggit ng mga obispo ang kakulangan sa epektibong monitoring ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at mga lokal na opisyal, kaya’t hindi naipapatupad ang batas na nag-uutos na maipanumbalik ang mga nasirang lugar.
Sa mahigit 3,000 ektaryang namina sa ilang bahagi ng Palawan, wala pang 25% ang napanumbalik, na nagpapakita na walang responsableng pagmimina sa lalawigan.
Kaya naman panawagan ng mga obispo ang mining moratorium o 25-taong pagpapahinto sa lahat ng mining applications at expansions.
“Antayin na muna natin na magkaroon tayo ng teknolohiya at industriya na magpo-proseso dito sa atin ng ating mga mineral upang magkaroon ng sustainable na trabaho sa atin at mas tataas ang halaga ng mga mineral na kinukuha sa atin. Bantayan na muna natin ang mga nagmimina sa kasalukuyan kung kaya nilang maipanumbalik ang mga bundok at gubat na sinira nila,” giit ng mga obispo.
Hamon naman ng mga obispo sa mga mambabatas ng Palawan na magpasa ng moratorium sa pagmimina, katulad ng ginawa sa Mindoro, Marinduque, at Romblon, at binigyang-diin na unahin ang kapakanan ng lalawigan kaysa pansariling interes o impluwensiya ng mining companies.
Hinikayat din ng mga obispo ang mga Palaweño, bilang mga mabubuting katiwala ng sangnilikha, na lumagda sa petisyong gawing ordinansa ang pagpigil ng pagmimina sa Palawan sa loob ng 25 taon.
“Yes to moratorium! Ito ang sigaw ng Inang Kalikasan; ito ang sigaw ng mga magsasaka, mangingisda at mga katutubo na na-aapektuhan ng pagkasira na dala ng pagmimina; ito ang sigaw ng mga naniniwala na bilang katiwala may pananagutan tayong huwag sirain ang Palawan,” ayon sa liham pastoral.
Noong 2016, pinahintulutan ng DENR ang isang kumpanya na putulin ang halos 28,000 puno sa Palawan, at ngayong taon, nagpasa muli ito ng aplikasyon para sa karagdagang 8,000 puno, habang isa pang kumpanya ang pinayagang pumutol ng 52,200 puno.
Kasalukuyan ding may 67 mining exploration applications na sumasakop sa higit 200,000 ektaryang lupain sa Palawan, at 11 mining agreements na saklaw ang mahigit 29,000 ektarya.