2,522 total views
Inaanyayahan ni Father Anton CT Pascual, pangulo ng Radio Veritas at Executive Director ng Caritas Manila ang mga church cooperatives na makiisa sa paglulunsad ng Ministry on Cooperatives and Social Enterprise Development (MCSED) sa April 29, 2023.
Ayon kay Fr.Pascual, Chairman of the Board ng Union of Catholic Church-based Cooperatives (UCC) at Minister ng MCSED, layon ng inisyatibo na matulungan ang mga kawani ng simbahan higit na ang mga kabilang sa mahihirap na sektor ng lipunan na umunlad ang pamumuhay.
“Alam naman natin na maraming mga kooperatiba sa simbahan ngunit kailangan pang i-organisa at pagkaisahin upang lalong tumibay at makatulong sa mga nangangailangan in a sustainable, inclusive and resilient way kaya’t ang Santo Papa, si Pope Francis ang isa sa mga nagpapahalaga at nagtutulak ng kilusang kooperatiba sa buong mundo, sapagkat ang kooperatiba dahil bagamat ito ay pro-profit, ito rin ay pro-people at pro-planet,” pahayag sa Radio Veritas ni Fr.Pascual.
Sa tulong ng MCSED, titipunin at pagkaisahin ang lahat ng Church based Cooperative sa Metro Manila.
Kasunod nito ang pagpapalalim sa kaalaman o kasanayan ng mga namamahala sa mga kooperatiba upang sama-samang palaguin ang ipon ng mga miyembro.
“Dito sa kalakhang maynila ating aanyayahan ang mga existing cooperatives yung mga micro small medium large ng simbahan, ito yung mga church kooperatives na tinatag ng simbahan at hanggang ngayon parin ay kinikilala nila na sila ay church cooperatives, ito ay ating pagkakaisahin at patuloy na pagpapalim sa education and training sa leadership and management upang mapangalagaan ang kaperahan ng mga may-ari at ito’y lumago at matulungan sila sa kanilang kabuhayan,” bahagi pa ng mensahe ni Father Pascual.
Paanyaya pa ni Father Pascual sa mga mananampalatayang hindi pa kabilang sa mga kooperatiba ang pakikibahagi sa MCSED.
Pangungunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang paglulunsad ng MCSED sa pamamagitan ng banal na misa sa Layforce, San Carlos Seminary ganap na alas-nuebe ng umaga.
Batay sa datos ng Cooperative Development Authority (CDA) umaabot sa 11-milyong Pilipino ang miyembro ng 11-libong rehistradong kooperatiba sa Pilipinas.
Sa bilang, umaabot sa 140 ang mga rehistradong Church Based at Agri-church based cooperatives.