3,430 total views
Idineklara ng Archdiocese of Manila ang Minor Basilica of the Black Nazarene – St. John the Baptist Parish bilang Archdiocesan Shrine of the Black Nazarene.
Sa kalatas na ibinahagi ng Quiapo Church pinahintulutan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang kahilingan ni Basilica Rector, Parish Priest Fr. Rufino Sescon Jr. kasama ang nasasakupang pamayanan na italagang archdiocesan shrine ang dambana matapos ang masusing konsultasyon ng Presbyteral Council.
“By these presents, We hereby decree that the Minor Basilica of the Black Nazarene – St. John the Baptist Parish (Quiapo Church), be conferred the title of the ARCHDIOCESAN SHRINE OF THE BLACK NAZARENE,” ayon sa Decree.
Kasunod nito ipinagkaloob din sa dambana ang mga karapatan bilang archdiocesan shrine alinsunod sa nakapaloob sa Canon Law [Can. 1230-1234].
Batay sa kasaysayan 1586 nang pinasimulan ng mga misyonerong Franciscano ang simbahan kung saan si Fr. Antonio de Nombella ang unang kura paroko subalit ito ay napinsala ng sunog noong 1603 sa panahon ng Chinese rebellion.
Makalipas ang ilang taon September 1987 nang basbasan ni noo’y Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin ang dambana kasabay ang kahilingang italagang minor basilica na inaprubahan ni Saint John Paul II noong December 11, 1987.
Tuwing January 9, milyong katao ang dumadalaw sa Quiapo Church upang makiisa sa pista ng Traslacion ng Mahal na Poong Hesus Nazareno na tinaguriang isa sa pinakamalaking pista ng Pilipinas.