1,083 total views
Homiliya para sa Unang Araw ng Simbang Gabi, Ika-16 ng Disyembre 2022, Juan 5:33-36
May isang kuwento tungkol kay Teodora Alonso Realonda at ang anak niyang si Jose Rizal nang bata pa ito. Minsan isang gabi, noong panahon na wala pang kuryente sa Pilipinas, ni telebisyon o radyo o cell phone, nag-aaral daw ng leksyon ang batang Jose Rizal kasama ang nanay niya. Ang gamit na ilawan sa pagbasa ay isang kandilang nakasindi sa ibabaw ng mesa. Siyanga pala, kaya daw pala “nagsusunog ng kilay“ ang tawag sa mga sumisiryoso sa pag-aaral ay dahil talagang pwede sila masunugan ng kilay noong panahong iyon kapag inantok sila habang nagbabasa. Buti kung kilay lang ang masunog; baka pati buhok.
Inaantok na daw noon ang batang Rizal, kaya ang nanay na ang nagbasa at nakinig na lang ang bata. Maya-maya, hindi na rin pala nakikinig si Jose dahil nawili sa panonood sa mga gamo-gamong naglalaro sa paligid ng ilaw. Nang mapansin ito ni Aling Teodora, huminto ito sa pagbabasa at sinabi kay Jose, “May ikukuwento ako sa iyo, makinig kang mabuti.”
Pagkarinig pa lang sa salitang KUWENTO, nadilat na kaagad ang mga mata ng bata, tumingin sa nanay niya at nawala ang antok. Sabi ng Nanay niya, “Minsan, may dalawang gamo-gamo: isang matanda at isang bata. Pareho silang mahilig maglaro sa paligid ng ilaw ng kandila. Isang gabi, lumipad ang batang gamo-gamo nang masyadong malapit sa ningas ng kandila. Kaya binalaan siya ng mas matanda, ‘Mag-ingat ka sa paglapit mo sa ningas, baka masunog ang pakpak mo at hindi ka na makalipad.’”
Mayabang na sinabi ng batang gamo-gamo na hindi raw siya natatakot. Kaya nagpatuloy ito sa paglipad, papalapit nang papalapit sa ningas, hanggang sa dumampi ang pakpak niya sa apoy at nasunog ito, at nalaglag siya sa mesa. Sabi ng matandang gamo-gamo, “Sinabi ko na sa iyo, matigas kasi ang ulo mo, hindi ka nakinig sa akin, kaya ngayon hindi ka na tuloy makalilipad na muli.”
Hindi na napansin ng ina na hindi nakikinig ang batang Rizal sa pagkaaliw sa panonood niya sa aktwal na drama ng gamo-gamo. Tinapos pa rin ng nanay niya ang kuwento sa isang aral: “Kaya huwag pamarisan ang batang gamo-gamo na matigas ang ulo. Makinig sa pangaral ng nakatatanda, para di ka mapahamak.”
Ang nakuha niyang aral ay baligtad, hindi babala, kundi paghanga sa lakas ng loob at matinding pagkahumaling ng gamo-gamo sa liwanag na sapat nang dahilan para lumapit sa liwanag kahit alam niyang delikadong masunugan siya ng pakpak at mamatay.
Ang kuwento ng buhay ng magpinsan na sina Juan Bautista at Hesus ay parang kuwento rin ng dalawang gamo-gamo. Walang babala na pumigil sa kanila na lumapit sa liwanag. Ano ang napala ni Juan? Pinugutan siya ng ulo. Ano naman ang napala ni Hesus? Ipinako siya sa krus tulad ng isang kriminal.
Ganoon ang sinasabi ng ating ebanghelyo. Ginagamit ang talinghaga ng liwanag para ilarawan kung ano ang Diyos sa buhay natin. Si Juan daw ay nagpatotoo sa Diyos. Ibig sabihin, hindi siya mismo ang ilaw. Patotoo lamang siya. Ang Diyos mismo ang “parang maningas na ilaw” na kanyang nilalapitan at pinagkukuhanan ng liwanag. Kaya lumalapit din daw ang mga tao kay Juan dahil “nasiyahan sa kanyang pagpapatotoo sa liwanag.”
Kay Juan Bautista at sa kanyang mga gawain unang nakita ni Hesus ang matinding pagkahumaling sa liwanag. Ngunit giit ng manunulat, ang gawain ni Hesus ay higit pang patotoo kaysa mga gawain ni Juan.
Sa unang pagbasa, sa orakulo ng propeta Isaias, parang ningas din ng kandila ang nakikita kong paglalarawan sa templo ng Jerusalem. Darating daw ang panahon na hindi lang ang mga Hudyo kundi pati ang mga dayuhan (mga Hentil) ang maaakit sa Salita ng Diyos at papasok sa templo. Dito kay Isaias kinuha ni Hesus ang salitang binitawan niya noong pinagtataboy niya ang mga nangangalakal ng tupa at baka mula sa mismong lugar sa templo na laan para sa mga dayuhan ayon sa kuwento ni San Marko. Ang sigaw niya ay ang narinig natin sa unang pagbasa, “Ang bahay ko’y magiging bahay-dalanginan para sa LAHAT ng mga bansa.”
Kaya sinabi rin ng propeta “ang mga dating dayuhan ay mabibilang sa kanyang bayan.” Ibig sabihin, lahat ay maaakit sa liwanag ng katotohanan na itinatanglaw ng Salita ng Diyos.
Ewan kung napansin ninyo ang simula ng ebanghelyong binasa natin, “Sinabi ni Hesus sa mga Hudyo.” Teka, hindi ba Hudyo rin si Hesus sa usapin ng pang-relihiyon? Oo pero sa ganang mga taga-Judea, hindi siya totoong Hudyo dahil hindi siya talaga tubo sa bayan ng Judea. Kaya antipatiko sa kanya ang mga taga-Judea ay dahil siya raw ay taga-Galilea, at “wala daw manggagaling na mabuti sa Galilea.”
Kaya ang mensahe nila sa kanya ay “Lumayo ka sa templo namin. Dayuhan ka rin. Hindi ka kasali. Ang mensahe naman ni Hesus ay, “Sa aking Ama, lahat kasali.” Ito ang matapang na patotoo ng mga tunay na nagmamahal sa Liwanag.
Baguhin natin nang kaunti ang kuwento. Imbes na gamu-gamo, isipin natin na parang dalawang kandila ang lumalapit sa nakasinding ilaw. Binabalaan sila, umiwas kayo sa apoy, kapag nasindihan kayo nito, masusunog kayo at mauupos. Pero hindi sila masaway, di-mapigilan. Para sa kanila para bang walang saysay ang maging kandila kung hindi rin lang masisindihan. Kaya pilit pa ring lumalapit. Alam kasi ng kandila, ang tunay na kalaban ay kadiliman. Ngunit ang sinumang ibig magbigay ng liwanag ay dapat maging handang masunog at mamatay.
Napansin ko sa Missalette ng Sambuhay na ang mungkahing pangkalatang tema para sa Simbang Gabi ay SYNODALITY o PAKIKILALBAY. Ang unang sangkap ng isang simbahang sinodal ayon kay Papa Francisco ay pakikipagkaisa ng puso at diwa kay Kristo (communion). Nagaganap ito dahil sa biyaya ng binyag na tinanggap nating lahat. Sa binyag, sinisindihan ang bawat mananampalataya sa ilaw ni Kristo sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Kaya siguro malakas ang hatak sa atin ng Simbang Gabi. Sa dilim naghahanap ang tao ng liwanag. Pag taglamig naghahanap ang tao ng init. Alam nating ang init at liwanag ng Diyos ang bumubuhay sa daigdig. Kahit alam nating init din at liwanag ang maaari natin ikamatay, walang makapipigil sa atin na lumapit sa Diyos tulad ng paglapit ng gamo-gamo sa apoy kahit ito ay maaaring ikapahamak. Walang makasusupil sa kanyang pagnanasang maging bahagi ng walang hanggang liwanag.
Lumalapit tayo sa Diyos upang maitaboy ang dilim ng katiwalian sa daigdig at tanggapin ang liwanag ng katarungan. Lumalapit tayo upang iwaksi ang lamig ng poot at pagwawalang-bahala at tanggapin ang init ng pagibig at malasakit.
Bilang conclusion, gawin nating panalangin ang isang awit na kinakanta natin sa simbahan:
“Liwanag ng aming puso, sa ami′y manahan Ka
Ang init ng ‘Yong biyaya, sa ami′y ipadama
Patnubay ng mahihirap, oh, aming pag-asa’t gabay
Sa aming saya at hapis, tanglaw Kang kaaya-aya”
“Liwanag ng kaaliwan, sa ami’y dumalaw Ka
Kalinga Mo ang takbuhan, noong unang-una pa
Pawiin ang aming pagod, ang pasani′y pagaanin
Minamahal kong kandungan, sa hapis, kami′y hanguin.”