368 total views
Pinapayuhan ng Simbahang Katolika ang mga mananampalataya na dadalo sa pagsisimula ng Simbang Gabi na unahin ang kanilang kaligtasan sa mga lugar na maapektuhan ng bagyong Odette.
Inaasahan na ang pagdagsa ng mga katoliko sa iba’t-ibang mga Parokya sa pagsisimula ng Misa de Gallo ngunit kasabay nito ang pag-landfall ng bagyong Odette sa ilang mga Probinsya sa Visayas at Mindanao bukas ika-16 ng Disyembre.
Ayon kay Rev. Fr. Bong Galas, Social Action Director ng Archdiocese of Cagayan De Oro bagamat marami sa mga mananampalataya ang nais na personal na dumalo sa pagdiriwang ng Simbang gabi ay dapat isaalang-alang muna ang kaligtasan mula sa pag-ulan at malakas na hanging dala ng bagyong Odette.
Aminado si Fr. Galas na nakahanda na ang kanilang mga Parokya sa pagsisimula ng Simbang gabi ngunit naapektuhan ito ng posibilidad naman ng pagtama ng bagyo.
“Medyo apektado po lalo na ang mga nasa rural areas delikado po sa mga tao na magsimba lalo na yun mga lugar na may ilog o mababang lugar kailangan unahin muna ang pag-iingat” Pahayag ni Fr.Galas sa panayam ng Radyo Veritas.
Sa Diocese ng Butuan, Agusan Del Sur ay sinabi Social Action Director Rev. Fr. Stephen Brongcano na nag-abiso na sa kanila ang Lokal na Pamahalaan na posibleng ma-kansela ang pagdiriwang ng banal na misa sakaling maging mapaminsala ang lakas ng hangin at ulan na dala ng bagyong Odette.
“Start na ng Simbang Gabi namin bukas, yun Chapel sa Libertad [Agusan Del Sur] sabi ng Kapitan cancel na lang muna ang misa doon sa Chapel, doon na lang muna sa Parish mismo hindi na sa Chapel” pahayag ni Fr. Brongcano.
Kaugnay nito, inihayag ni Borongan Bishop Crispin Varquez na nasa desisyon na ng mga Kura Paroko ng bawat Parokya kung itutuloy ang pagdiriwang ng Simbang gabi dahil sa banta ng bagyo.
“Sa mga parokya na hindi masyadong affected I just give the discretion to the Parish Priest.” “Kahit sabihin na may misa kung malakas naman ang hangin hindi din talaga lalabas ang mga tao” pahayag ng Obispo sa Borongan, Eastern Samar.
Samantala, Tiniyak ni Rev.Fr. Harlem Gozo ng Diocese of Maasin na nakahanda silang tumugon sa pangangailangan ng mga maapektuhan ng bagyo sa Southern Leyte.
Sinabi ni Fr. Gozo na may mga nakatakda na sanang aktibidad ang kanilang tanggapan sa Social Action Center ng Diocese of Maasin ngunit kinakailangan nila itong kanselahin bilang paghahanda sa epekto ng bagyo.
“Yung warehouse natin dito magiging evacuation [if needed] kapag kailangan ng mga tao then kung kailangan magkaroon tayo ng repacking para naman sa mga kailangan ng tao.”Pahayag ni Fr. Gozo, Social Action Director ng Diocese of Maasin.
Una nang naglabas ng bababala ang PAGASA sa mga lugar na posibleng daanan ng bagyong Odette dahil sa patuloy pa itong lumalakas habang lumalapit sa kalupaan ng Visayas at Mindanao region.