2,249 total views
Ilalaan ng Diocese ng Antipolo sa mga pamilya ng mga nasawing biktima ng tumaob na bangka sa Talim Island Rizal ang pondong makakalap sa isasagawang second collection sa nasasakupang simbahan sa araw Linggo.
Ito ang ipinag-utos ni Antipolo Bishop Ruperto Santos bilang ‘mission appeal’ para sa mga naulilang pamilya ng 27 katao na nasawi sa paglubog ng MBCP Princess Aya sa kasagsagan ng bagyong Egay.
“We understand that times may be tough for many, but any assistance you can provide will go a long way in offering hope and healing to those affected by this tragedy.” ayon sa mensahe ni Bishop Santos.
Tiniyak din ni Bishop Santos ang pag-aalay ng panalangin at misa para sa kaluluwa ng mga nasawi at kaligtasan ng mga mamamayang nasalanta ng Bagyong Egay sa ibat-ibang bahagi ng Pilipinas.
Hinimok din ng Obispo ang mga mananampalataya na ipananalangin ang kalakasan sa mga naulila kung saan kabilang sa mga nasawi ang mga bata, kababaihan at mga nagtataguyod ng kanilang pamilya na pauwi sa isla.
“I hope my prayers reach you despite the challenging weather conditions that have been affecting our region. As we have been praying for the safety and well-being of our brothers and sisters in Northern Luzon who were battling the fury of Typhoon Egay, a tragic incident unfolded right here in our Diocese, leaving us in a state of profound grief and despair.” ayon pa sa pahayag ni Bishop Santos.
Sa tala, 27-katao ang nasawi sa paglubog ng bangka habang 40-pasahero naman ang nakaligtas sa trahedya.
Ayon sa ulat ng Philippine Coastguard, aabot sa mahigit 70 ang pasahero ng bangka na nagtala lamang ng 22-pasahero sa manipesto mula sa pantalan ng Binangonan patungong Talim Island.