359 total views
Makikibahagi ang Aid to the Church in Need Philippines sa itinakda ng ACN International na kauna-unahang ACN International Benefactors’ Day.
Ito ay isang araw ng pagbibigay pugay at pasasalamat sa mga mission partners at benefactors na nakatuwang ng Aid to the Church in Need sa pagsasakatuparan ng kanilang misyon.
Ayon kay ACN Philippines National Director Jonathan Luciano, mahalaga at malaki ang papel ng mga sumusuporta sa ACN upang ganap na magampanan ng organisasyon ang kanilang tungkulin na matulungan ang mga Kristiyanong nangangailangan sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ipinaliwanag ni Luciano na ang gawain ay isang pasasalamat at pagkilala sa lahat ng mga tumulong at patuloy na sumusuporta sa mga programa at misyon ng Aid to the Church in Need sa loob ng nakalipas na 75-taon ng organisasyon.
“Isang araw ang itinakda ng ACN International upang bigyang pugay at pasasalamat at ipanalangin ang napakaraming mga mission partners at benefactors ng ACN na walang sawang tumutulong sa aming organisasyon upang maisagawa namin ang aming misyong tulungan ang mga kapatid nating Kristiyano na inuusig at naghihirap.” Luciano sa Radio Veritas.
Pagbabahagi pa ni Luciano, hindi magiging posible ang mga programa ng pagtulong ng ACN lalo na sa mga biktima ng pag-uusig sa iba’t ibang bansa kundi dahil sa tulong at pakikiisa ng mga may mabubuting puso na nagbabahagi ng iba’t ibang tulong at donasyon sa organisasyon.
Nakatakda ang kauna-unahang ACN International Benefactors’ Day sa ika-11 ng Hunyo kasabay ng paggunita ng Solemnity of the Sacred Heart kung saan sa Pilipinas pangungunahan ni Aid to the Church in Need Philippines President, Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas ang paggunita ng Banal na Misa at pasasalamat sa lahat ng mga tumutulong at sumusuporta sa misyon ng ACN Philippines sa bansa.
Gagawin ang Banal na Misa sa St. John the Evangelist Cathedral sa Dagupan, Pangasinan ganap na alas-singko ng hapon na maaaring subaybayan sa pamamagitan ng official facebook page ng ACN – Aid to the Church in Need.
“Kung kaya po sa June 11 ay Sama Samang magpapasalamat ang pamilya ng Aid to the Church in Need sa buong mundo sa lahat ng aming mga benefactor at mission partners. Sa Pilipinas po ay gaganapin ang pagdiriwang sa pamamagitan ng Isang Banal na Misa na pamumunuan ng aming Presidente Abp. Socrates Villegas sa ganap na Ika lima ng hapon sa St. John the Evangelist cathedral sa Dagupan City. This mass will be live streamed via the ACN FB page.” Ayon kay Luciano.
Hango sa tema ng pagdiriwang ng Year of Missio Ad Gentes ngayong taon na ‘Gifted to Give’ nanawagan si Luciano sa mga Good Samaritan na maging mission partners ng ACN sa pagtulong sa mga Kristiyanong dumaranas ng iba’t ibang uri ng pag-uusig at paghihirap sa iba’t ibang lugar.
“Patuloy ang aming paanyaya na maging mission partner ng ACN ang ating mga kapatid na nais tumulong sa misyon ng ACN para sa mga kapatid nating inuusig at nagdaranas ng hirap.” Paanyaya ni Luciano.
Kabilang sa mga maaaring tutukan ng ACN Mission Partners na mga volunteers at benefactors Aid to the Church in Need ay ang pagbabahagi ng spiritual support sa pamamagitan ng pananalangin, ang pagiging tinig ng Simbahan at mga mananampalatayang dumaranas ng pag-uusig sa pamamagitan ng pagbabahagi ng impormasyon, at ang pagbabahagi ng pinansyal at materyal na tulong para sa pangangailangan ng mga biktima ng iba’t ibang uri ng pag-uusig sa lipunan.