744 total views
Masayang ibinahagi ni Rev. Fr. Antonio Gerado Sanchez, Priest Coordinator ng Pondo ng Pinoy Community Foundation sa Diocese ng Antipolo ang iba’t-ibang proyekto ng Pondo ng Pinoy sa lalawigan ng Rizal.
Ayon kay Fr. Sanchez, nagawang tugunan ng Pondo ng Pinoy ang kanilang mga pangangailangan lalo na sa bahagi ng programang pangkabuhayan at tulong sa mga mag-aaral sa Talim Island.
Inihayag ng Pari na mahigit 100 mag-aaral sa isla ang nagkaroon ng maayos na edukasyon bago ang pandemya matapos mag-donate ang Pondo ng Pinoy ng bangka na siyang ginagamit ng mga guro sa pagtawid sa Talim Island.
“Malaking tulong po bago ang pandemic nagtatag po ng mission school doon sa Talim island yun Binangonan Catholic College para sa mga grade 11 at grade 12 nag-request po kami sa Pondo ng Pinoy ng motorize boat worth P300,000 at na-approved naman po nakapag pagawa kami ng bangka at ito tuwing may klase yun mga Teacher from Binangonan kailangan nila bumiyahe ng higit 1 oras para makapunta sa doon sa Talim Island para makapagturo sa mga estudyante lalo na sa mga out of school youth.”pahayag ni Fr. Sachez sa panayam ng programang Caritas in Action.
Pinondohan din ng Pondo ng Pinoy ang pagpapatayo ng fish cage sa mga mangingisda ng Talim Island para makatulong sa kabuhayan habang ang mga kababaihan naman ang nakikinabang sa organic garden na inilunsad sa Vista Verde, Cainta Rizal.
“Dun sa talim island po meron din doon na fish cage marami din natulungan na walang hanapbuhay na makapag-alaga sila ng isda sa fish cage at itong kinikita dito binibigay sa mga mahihirap. Itong panghuli ang maganda po na project sa vista verde sa Immaculate Conception PArish sa Vista Verde sa Cainta ang kanilang project proposal ay Ladies Organic Garden, organic farming worth P300,000 kung saan yun mga bakanteng lote sa Vista Verde nataniman ng mga organic na mga halaman lalo na yun mga nagbubunga.” Dagdag pa ni Fr. Sanchez.
Nagpapasalamat si Fr. Sanchez at ang Diyosesis ng Antipolo sapagkat kahit sa gitna ng pandemya ay patuloy silang tinutulungan ng Pondo ng Pinoy kung saan nagbahagi din ito ng mga relief assistance at iba pang mga ayuda.
“dito po tayo magtataka na dahil sa 25 sentimos milyon-milyon na natutulugan para sa mga livelihood project ng mga mahihirap, yun mga relief operation kaya totoo hindi puwede sabihin na 25 cents lang kapag pinagsama ito ay nagiging milyon at marami ang natutulungan.”pahayag ni Fr.Sanchez
Magugunitang taong 2004 nang simulan ni Noo’y Manila Archbishop Gaundencio Cardinal Rosales ang Pondo ng Pinoy kung saan sa pamamagitan ng mga 25 sentimos na nalilikom sa mga Parokya at mga Paaralan ay naisasakatuparan ang iba’t-ibang mga proyekto para sa mga mahihirap at nangangailangan.