1,658 total views
Kinilala at pinasalamatan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mga misyonerong Pilipino sa pagdiriwang ng Linggo ng Misyong Pilipino.
Ayon sa cardinal malaki ang tungkuling ginagampanan ng mga misyonero upang maibahagi ang biyaya ng pananampalatayang tinanggap ng mga Pilipino 500 taon ang nakalilipas.
Tinuran ng arsobispo ang gawain ng Mission Society of the Philippines (MSP) ang missionary arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na nagmimisyon sa iba’t ibang bahagi ng daigdig lalo na sa mga bansang minorya ang kristiyano.
“Salamat sa inyong mga sakripisyo at paglilingkod sa halos anim na dekada mula nang kayo (MSP) ay itinatag ng ating mga obispo noong 1965 hindi kayo nanghinawa sa iniatas na misyon sa inyo na ibahagi ang biyaya ng pananampalataya na atint tinanggap 500 taon na ang nakararaan nang may pasasalamat sa puso; kayo ang konkretong handog ng pananampalatayang pilipino sa mundo,” bahagi ng mensahe ni Cardinal Advincula.
Gayunpaman sinabi ni Cardinal Advincula na hindi lamang ang MSP ang may tungkuling magmisyon kundi ito ay gawain ng bawat binyagang kristiyano na maging aktibong katuwang ng simbahan sa pagiging missionary church na tumutugon sa pangangailangan ng nasasakupang kawan.
Paalala ng opisyal sa mamamayan na ang misyonerong simbahan ay patuloy na naghahasik at isinasakatuparan ang atas ng misyon ng Panginoon.
“Sa ating pagmimisyon mahalaga ang pagtuturo ng katesismo pagbibigay ng mga sakramento at pagbubuo ng mga kristiyanong pamayanan,” ani ng cardinal.
Samantala umapela naman si Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo sa mamamayan na suportahan ang mga misyonerong Pilipino lalo ngayong pinararangalan ng simbahan ang Filipino Missionaries.
Bukod sa MSP may iba’t ibang religious congregations at lay missionaries ang nakatalaga sa iba’t ibang bansa upang ipalaganap ang turo ng simbahang katolika.
Sa pagdiriwang ng 500YOC ng bansa kinilala ng Santo Papa Francisco ang Filipino migrants’ bilang smugglers of faith dahil sa kanilang pagsisikap na ibahagi si Kristo sa bawat lugar na napupuntahan.
“Tinanggap natin ang pananampalataya kasi may mga misyonero mula sa ibang bansa na nagtrabaho sa atin. Ngayon naman nagpapadala na tayo ng mga Pilipinong misyonero sa ibang bansa. Suportahan natin sila. Kaya sa araw ito, ipagdasal natin sila,” ayon kay Bishop Pabillo.
Kasalukuyang naglilingkod ang MSP sa limang kontinente at 12 mga bansa kung saan tuwing huling Linggo ng Hulyo ay itinalagang Filipino Mission Sunday.
Noong January 6, 2009 nang matanggap ng MSP ang pontifical right status ng Vatican bilang Society of Apostolic Life of Pontifical Right for mission ad gentes sa ilalim ng Dicastery for Evangelization na kasalukuyang pinangasiwaan ni Pope Francis katuwang si Filipino Cardinal Luis Antonio Tagle.