689 total views
Kinundena ng Legal Rights and Natural Resources Center (LRC) ang paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) para sa mega-billion Kaliwa Dam project.
Ayon kay LRC direct legal services coordinator Attorney Ryan Roset, na siya ring tumutulong sa mga katutubong Dumagat-Remontado laban sa proyekto, ang paglagda sa MOA para sa Kaliwa Dam ay nilabag ang mga batas na sakop ng free, prior, and informed consent (FPIC) ng mga katutubo.
Paliwanag ni Roset, hindi pinahintulutang makadalo sa MOA signing ang mga kinatawan mula sa mga apektadong katutubo at sa halip, tanging ang mga nagpahayag lamang ng suporta sa proyekto ang nakadalo rito.
“According to our sources, representatives allowed into the venue were those who had signified agreement to the project, and those who registered opposition to the project were deliberately left out,” bahagi ng pahayag ni Roset.
Sinabi ng abogado na kataka-takang ipinagpatuloy pa rin ang paglagda sa kasunduan gayong ginanap ito nitong huling bahagi ng Enero kasabay ng muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 dulot ng Omicron variant.
Bukod pa rito, nagdulot rin ng pangamba sa mga katutubo ang presensya ng mga sundalo sa MOA signing.
“What’s more, members of the military were present during the signing. While no use of force was reported, the presence of the military nevertheless sowed fear in the hearts of the community,” saad ni Roset.
Samantala, nananawagan naman si Roset sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na ipawalang-bisa ang MOA at magplano ng mas organisadong konsultasyon sa mga apektadong komunidad kasabay ng wastong pagsunod sa mga panuntunang itinakda ng batas.
Paalala pa ng abogado na dapat ding isaalang-alang ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang kasalukuyang resolusyon ng House Committee on Indigenous Cultural Communities and Indigenous Peoples hinggil sa pagpapatigil ng mga gawain sa teritoryo ng Dumagat-Remontado at iba pang komunidad.
Enero 26, 2022 nang maglabas ng bukas na liham ang mga katutubong komunidad ng Sierra Madre hinggil sa hindi pagpapahintulot na lumahok sa paglagda sa kasunduan hinggil sa Kaliwa Dam project.
Kaugnay nito’y nanawagan din sa mga kinauukulan si Franciscan priest Father Pete Montallana, chairperson ng Save Sierra Madre Network Alliance, Inc. (SSMNA) na pakinggan ang hinaing ng mga apektadong katutubo hinggil sa proyekto.