647 total views
Ilulunsad ng Union of Church Cooperatives (UCC) ang Ministry on Cooperatives and Social Enterprise Development (MOCSED) program bilang paggunita sa National Cooperative Month ngayong buong buwan ng Oktubre.
Ito ang pangunahing mensahe ni Father Anton CT Pascual – Chairman ng UCC at Pangulo ng Radio Veritas 846 para sa buwan ng paggunita.
“Upang makumpleto ang pagtulong natin sa mahihirap hindi lang espiritwal, hindi lang sa edukasyon at kalusugan, nutrisyon at sa mga gawaing espiritwal ngunit mabigyan din natin livelihood support ang mga mahihirap sa pamamahitan ng ating cooperative and network na ngayon ay binubuo ng union of church COOPS ,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Pascual.
Paliwanag ng Pari, sa tulong ng MOCSED ay ilulunsad ang mga livelihood programs na magbibigay ng kabuhayan sa mga miyembro ng mga kasaping kooperatiba at maging sa mga mahihirap.
Mensahe din ni Father Pascual ngayong National Cooperative Month ang pagsisilbing biyaya ng UCC sa mga churchworkers at iba pang kasaping indibidwal.
Ito ay dahil narin nagkakaroon ng pagkakataon ang mga miyembro na sama-samang kumita at makapagtaguyod ng kani-kanilang sariling negosyo sa tulong ng mga kooperatiba.
“Sa esperitwal na pananaw ang tawag po natin diyan ay stewardship, to manage, ating ingatan, maging responsable tayo, palaguin natin ang yaman na binigay satin ng Panginoon sa pamamagitan ng values and principles ng cooperative movement,” ayon pa sa mensahe ng Pari.
Ang UCC ay binubuo ng mahigit 40-church based cooperative na mula sa 12-Arkidiyosesis at Diyosesis sa buong Pilipinas.
Batay naman sa datos ng Cooperative Development Authority, aabot sa 11.5-milyong Pilipino ang miyembro ng mahigit 11-libo ang mga kooperatiba sa buong bansa.