169 total views
Ipinapaalala ng World Communications Sunday ang hamon sa bawat isa na maibahagi ang mabuting balita ng Panginoon sa pamamagitan ng iba’t- ibang pamamaraan ng pakikipagkomunikasyon.
Ito ang pagninilay ni Archdiocese of Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma sa paggunita ng 53rd World Communications Day kasabay ng Solemnity of the Ascension of the Lord.
Ipinaliwanag ni Archbishop Ledesma na siya ring chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Mutual Relations na nakasalalay sa pakikipag-komunikasyon ang ebanghelisasyon.
Sinabi ng Arsobispo na isang hamon sa bawat isa partikular na sa mga Kristyano’t Katoliko na magamit ang modernong teknolohiya at paraan ng pakikipagkomunikasyon sa pagpapalaganap ng mabuting balita ng Diyos.
Tinukoy ni Archbishop Ledesma na ang pag-unlad sa paraan ng pakikipagkomunikasyon tulad ng social media at mass media ay isang magandang oportunidad upang maging instrumento sa pagbabahagi ng habag, awa at pagmamahal ng Panginoon sa mas nakararami.
“On World Communications Sunday we are reminded that the word of evangelization is spread through communication and with the modern means of communication we challenge ourselves and our fellow Christians to be able to share the good news of God’s mercy and love for all of us through this modern means of social communication, may mass media and the communications technology that we now have be a vehicle for the new evangelization”.pahayag ni Archbishop Ledesma
Naunang nanawagan ang Kanyang Kabanalan Francisco na pagnilayan ng bawat isa ang paraan ng paggamit sa modernong teknolohiya tulad ng Internet sa pakikipagkomunikasyon at pagbubuo ng mas maayos na relasyon sa kapwa at sa komunidad.
Layunin ng temang napili ni Pope Francis para sa 53rd World Communications Day na “We are members one of another (Eph 4,25). From network community to human communities” na mabigyang halaga ang pagkakaroon ng maayos na komunikasyon sa pagpapatatag ng relasyon ng bawat isa.
Bukod dito, bahagi rin ng mensahe ni Pope Francis para sa 53rd World Communications Day ay ang paghubog sa paggamit ng mga modernong teknolohiya at social media sa pagpapalaganap ng ebanghelyo.
Sinasabi sa Digital 2018 report ng London, United Kingdom-based consultancy na We Are Social, nangunguna pa rin ang Pilipinas sa social media usage sa buong mundo.
Umaabot sa 9 na oras at 29 na minuto kada araw ang ginugugol ng nasa 67-milyong internet users sa bansa na malaking porsyento ay may social media accounts.