256 total views
March 25, 2020, 10:10AM
Pansamantalang isantabi ng mga pari ng Diyosesis ng Balanga sa Bataan sa pangunguna ni Bishop Ruperto Santos ang pagtanggap ng kanilang buwanang allowance sa kapakinabangan ng lahat.
Sa pahayag ni Bishop Santos, ito ang napagkasunduan ng Bataan clergy bilang tugon sa krisis dulot ng pandemic corona virus disease na umaapekto sa buong mundo.
“With this present difficult and uncertain economic situations, we priests in the Diocese have decided to forego our monthly stipends or monthly allowances for the good and for benefits of her people and personnel,” mensahe ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Aniya, ang mga nakatakdang allowance sa buwan ng Marso, Abril at maging sa Mayo ay ilalaan para tulungan ang mamamayan na higit apektado sa ipinatupad na enhanced community quarantine sa buong Luzon lalo na ang mga walang kinikita partikular ang mga manggagawa ng diyosesis at sa mga parokya.
Biniyang diin ni Bishop Santos na ang COVID 19 ay tunay na daan ng krus kung saan tulad ng pinagdaanan ni Hesus sa bawat pagbagsak ay ibabangon tayo ng Panginoon at may mga taong nakahandang umagapay sa bawat isa.
“Along our way of the cross there will be many Veronica and Simon of Cyrene to wipe our tears and carry our loads. Let us also be Veronica and Simon to others,” saad ni Bishop Santos.
Sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nahawaan ng COVID 19 sa bansa na umabot sa higit 500 katao ay mas hinihigpitan ang paglalabas ng mga tao upang tuluyang mapuksa ang virus na dahilan ng pagsasara ng maraming negosyo at kawalan ng trabaho.
Ang hakbang na ipinatutupad ng diyosesis ay pagpapakita ng tunay na simbahang lumilingap sa mga nangangailangan lalo ngayong panahon ng krisis.
“To forego our monthly stipends is to care for them and to thank them for their services; this is the Diocese of Balanga’s solidarity, our self giving to let them feel that our Church is always there for them,” giit ni Bishop Santos.