363 total views
Nagpaabot ng panalangin at pakikiramay ang Military Ordinariate of the Philippines sa mga biktima ng bumagsak na C-130 aircraft ng Philippine Air Force (PAF) sa Patikul, Sulu noong Linggo ika-4 ng Hulyo, 2021.
Ayon kay Military Diocese Bishop Oscar Jaime Florencio isang malungkot na pangyayari ang naganap na trahedya kung saan biktima ang mga sundalong nanumpa ng katapatan at paglilingkod para sa bayan.
Pagbabahagi ng Obispo, sa pamamagitan ng isang sirkular ay ipinag-utos na rin niya sa lahat ng mga chaplains ng Military Diocese ang pag-aalay ng banal na misa para sa ikapapayapa ng kaluluwa ng lahat ng mga nasawi at mabilis na paggaling ng mga nakaligtas sa trahedya.
“As the Bishop of the Military Ordinariate I pray and offer masses for those who have died in that accident of the C-130 yesterday in Patikul, Jolo, Sulu. Dahil dito I have ask already in a circular to all my chaplains that they offer masses for those who have perished, those who have died and at the same time also the speedy recovery of those who have been injured in this tragedy.” Ang bahagi ng pahayag ni Military Diocese Bishop Oscar Jaime Florencio sa panayam sa Radio Veritas.
Bukod sa pananalangin para sa kapakanan ng lahat ng mga lulan ng bumagsak na C130, ibinahagi rin ni Bishop Florencio ang panalangin na hindi na muling maulit pa ang naganap na trahedya.
Paliwanag ng Obispo, nawa ay muling suriin ang kaligtasan ng lahat ng mga aircraft ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng mga sasakay dito sa hinaharap.
Giit ni Bishop Florencio, napakahalaga ng buhay ng bawat isa kung saan sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga aircraft na ito ay maiiwasan ang mga katulad na trahedya na maaring bumiktima sa mga magiging lulan nito sa hinaharap.
“My prayer for this is that number 1 sana naman in the future the safety of these planes will be para bang magkaroon ng titingnan uli [susuriin] how are the safetyness of these aircraft but at the same time also I really pray that hindi na manggayari ang mga ganitong bagay, whether it is a human error or something of defect, we pray and ask the Lord that hindi na uli mangyari because we are talking here of lives, important lives.” Dagdag pa ni Bishop Florencio.
Umapela naman ang Obispo sa bawat isa na tuwinang isama sa panalangin ang kaligtasan ng lahat ng mga naglilingkod sa bayan tulad ng mga sundalo at pulis na nanumpa ng katapatan at paglilingkod para sa mamamayang Filipino.
Ayon sa Joint Task Force Sulu, galing ang C-130 aircraft ng Philippine Air Force (PAF) na may tail number na 5125 sa Lumbia Airport sa Cagayan de Oro City at lalapag na sana sa Jolo port sa Sulu ng bumagsak ang eroplanong sa Sitio Amman sa Barangay Bangkal dakong alas-unse y medya ng umaga.
Sa kabuuan, may lulan ang C130 military aircraft na 96 na tauhan ng militar kung saan nasa 45 katao na ang nasawi habang nasa 49 naman ang sugatan.