1,743 total views
Nakahanda ang Military Ordinariate of the Philippines [MOP] na tumulong sa programa ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.
Ayon kay Military Bishop Oscar Jaime Florencio paiigtingin ng mga pari ng MOP ang pakikipag-ugnayan sa mga komunidad lalo na sa mga parokya at pagtulungang isulong ang mga programa sa kapakinabangan ng bawat mamamayan lalo na sa mga nalulong sa bisyo.
Ito ang tugon ni Bishop Florencio sa kahilingan ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. sa simbahan na tulungan ang pamahalaang maipatupad ang ‘BIDA program o Buhay ay Ingatan, Droga ay Ayawan’.
“Handa tumulong ang mga chaplains ng MOP na makipag-ugnayan sa regional, provincial, at lalo na sa municipal level para hikayatin ang mga parish priests na suportahan ang programa kasi doon talaga ang dapat tutukan at ayusin,” pahayag ni Bishop Florencio sa Radio Veritas.
Ikinatuwa ni Bishop Florencio ang pagdalo ni Abalos sa 125th plenary assembly ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines noong January 29 kung saan humingi ito ng tulong sa mga lider ng simbahan sa maayos na pagpapatupad ng BIDA program na may paggalang sa dignidad ng mamamayan.
Hikayatin din ni Bishop Florencio ang MOP Chaplains na makipag-ugnayan sa mga obispo ng bawat diyosesis at talakayin ang programa para sa pagpapaigting ng pagtutulungan ng simbahan at pamahalaan.
Ang BIDA program ng DILG ay suportado ni PNP Chief General Rodolfo Azurin Jr. na kasalukuyang nagpapatupad ng internal cleansing sa hanay ng PNP gayundin ang suporta ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Bukod dito tiniyak ni Bishop Florencio ang pagpapalakas ng spiritual programs sa lahat ng kampo ng security forces ng bansa.
“Isa sa mga bagay na gagawin ng MOP is to conduct also periodioc recollections so that they can also be enrich spiritually dahil dito sa labanan na ito maganda mayroon tayong spiritual enhancement at spiritual na mga bagay na dapat ibigay doon sa mga police at militar,” ani Bishop Florencio.