1,473 total views
Nanawagan ang Military Ordinariate of the Philippines sa publiko at mga alagad ng batas na ipanalangin ang kapayapaan sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre 2023.
Ayon kay Military Bishop Oscar Florencio, nawa ay manatili ang kaayusan sa kabila ng papalapit na lokal na halalan na itinakda sa October 30.
“Magdasal tayo, at the same time we have to guard also within the area of our responsibility,” ayon kay Bishop Florencio.
Sa Commission on Election calendar of activities magsisimula ang filing of candidacy sa July 3-7 habang ang ‘campaign season’ ay isasagawa isang linggo bago ang halalan o October 19-28.
Sa ulat, dalawang barangay chairman ang napaslang noong nakalipas na linggo sa Cebu at Maguindanao del Sur habang ilan pang insidente ng magkakasunod na pamamaril ang naitala noong Pebrero na hinihinalang may kinalaman sa pulitika.
Paalala pa ng obispo na ang pagkakaroon ng mapayapang halalan ay kumakatawan din sa pag-unlad ng lipunan.