1,754 total views
Umapela ng panalangin ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) para sa nakatakdang 125th plenary assembly ng kalipunan ng mga Obispo sa pagtatapos ng buwan ng Enero.
Ayon kay Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio, nawa ay sama-samang ipanalangin ng mga layko, kasama ang mga consecrated person na mga relihiyoso, relihiyosa at mga pari na maging makabuluhan at matagumpay ang plenary assembly na nakatakda sa ika-29 hanggang ika-31 ng Enero, 2023.
Ipinaliwanag ng Obispo na mahalaga ang pananalangin ng bawat isa upang gabayan ng Espiritu Santo ang mga Obispo at makikibahagi sa pagtitipon na magkaroon ng kaliwanagan ng puso at isipan sa pagtalakay sa iba’t ibang usaping dapat tutukan ng Simbahang Katolika sa bansa.
“We ask the prayers of the lay and the consecrated persons, religious and some priest also who can pray for all the bishops who are here, we are more or less 100% maliban lang doon sa may mga sakit so we ask their prayers particularly for an enlightenment of all the bishops and all those who will be leading the whole assembly that means the president and other officers,” paanyaya ni Bishop Florencio sa Radio Veritas.
Inihayag ng Obispo na kabilang sa matatalakay sa pagtitipon ng kalipunan ng mga Obispo ang mahahalagahang usapin tulad ng patuloy na pagpapatatag ng ugnayan ng Simbahan at pamayanan na bahagi ng patuloy na pagsusulong ng Synodality na panawagan ng Santo Papa Francisco.
“What we will be discussing are of great relevance sa ating Simbahan ngayon lalong lalo na itong pagpapalago ng ating samahan as a church, yung synodality na yun has always been part of the discussion,” dagdag pa ni Bishop Florencio.
Ayon sa Obispo, inaasahan din ang talakayan sa higit na pagpapatatag ng iba’t ibang mga tanggapan ng CBCP sa pamamagitan ng episcopal commission, offices at committees na nangangasiwa sa iba’t ibang adbokasiya ng Simbahan sa lipunan.
Nakatakda ang 125th plenary assembly ng CBCP sa Pope Pius XII Catholic Center kung saan sa pangalawang pagkakataon mula ng lumaganap ang COVOD-19 pandemic sa bansa ay muling magtitipon ng personal ang kalipunan ng mga Obispo ng Pilipinas.
Sa kasalukuyan binubuo ang CBCP ng 88-active bishops, dalawang diocesan priest-administrators, at 38 honorary members na pawang mga retiradong Obispo mula sa iba’t ibang diyosesis.