977 total views
Patatagin ng Diocese of Kalookan ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang maturuan ang mga tao sa moral na responsibilidad nito sa pangangalaga sa kalikasan.
Naniniwala si Fr. Octavio Bartiana, Head ng Ecology Ministry ng Diocese of Kalookan na tamang paghubog sa pag-uugali ng bawat tao ang kinakailangan upang masolusyunan ang mga tambak na basura sa Metro Manila.
Ito ay kaugnay sa kasalukuyang problema ng mga residente ng Metro Manila matapos suspendihin ng Department of Environment and Natural Resources ang Philippine Ecology Systems Corporation, ang kompanyang naghahakot ng basura sa Maynila, Malabon, at Navotas.
“Ang mananagot n’yan ay ang local government, yung MMDA at saka environment [agency] sa pagpapatupad ng waste management, at sa side ng simbahan ako’y nagsisikap na mabigyan ng kongkretong aksyon ang ugnayan ng local government at simbahan and other NGOs lalo na sa education promotion ng taumbayan,” pahayag ng pari sa Radyo Veritas.
Dagdag pa ng Pari, kinakailangan ng mas matibay na implementasyon ng mga lokal na pamahalaan sa ecological solid waste management act at ang pagpapatupad ng paghihiwa-hiwalay o pagsegregate ng mga nabubulok na basura sa maaari pang i-recycle.
Ayon sa datos ng PhilEco, umaabot sa 1,500 tonelada ng basura na katumbas ng 450 truck ang nahahakot ng kumpanya at dinadala sa Navotas Sanitary Landfill kada-araw.
Samantala, patuloy naman ang apela ng simbahang katolika na isabuhay ang turo ni Pope Francis na bawasan ang paglikha ng karagdagang kalat sa paligid, upang hindi magmistulang malawak na tambakan ng basura ang buong daigdig.