20,586 total views
Umaasa ang opisyal ng Vatican ng higit na pakikiisa ng mananampalataya sa pagpapalago ng simbahang katolika.
Sa ika – 10 anibersaryo ng Philippine Conference on New Evangelization (PCNE X) sinabi ni Dicastery for Evangelization Pro Prefect Cardinal Luis Antonio Tagle na nawa’y tumugon ang bawat isa sa panawagan ng Santo Papa Francisco na simbahang nagbubuklod sa paglalakbay bilang pamayanang kristiyano.
“Asahan po natin ang pakikiisa hindi lang sa PCNE kundi sa panawagan ng pagiging a more synodal church. Ang simbahan ay isang pagbubuklod ng mga naniniwala kay Hesus at naglalakbay kasama ni Hesus at kasama ng isa’t isa sa ating mundo,” ang bahagi ng pahayag ni Cardinal Tagle sa Radio Veritas.
Hinimok ni Cardinal Tagle ang mananampalataya na aktibong makilahok sa mga gawaing nagpapayabong sa espiritwalidad ng tao tulad ng formation programs at panayam sa mga diyosesis, parokya, prayer groups at maging sa mga paaralan.
Muling binigyang diin ng cardinal ang layunin ng Synod on Synodality ni Pope Francis na matutuhang pakinggan ang kapwa upang maunawaan at maging kaisa sa paglalakbay bilang simbahan.
“Ito po ang ating adhikain ngayon sa paanyaya ni Pope Francis, magtipon, makinig sa isa’t isa, makinig sa Espiritu Santo na nangungusap sa isa’t isa at sama-sama ring kumilos ayon sa ipinahihiwatig ng Espiritu Santo ni Hesus sa atin,” ani Cardinal Tagle.
Taong 2013 ng inilunsad ng Archdiocese of Manila ang PCNE sa pangunguna noon ni Cardinal Tagle bilang tugon ng arkidiyosesis sa panawagang new evangelization ng simbahan.
Pinagtibay ng arkidiyosesis ang pagsusulong ng ebanghelisasyon sa pagtatag ng Office for the Promotion of the New Evangelization na kasalukuyang pinamumunuan ni Fr.Jason Laguerta na siyang nangasiwa sa PCNE.
Pinangunahan ni Cardinal Tagle ang heart-to-heart session ng PCNE X kung saan panauhin sina Manila Archbishop Cardinal Jose Advincula, CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, CBCP Vice President, Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara at Dr. Estella Padilla ang mga kinatawan ng Pilipinas sa ginanap na Synod of Bishops sa Vatican noong Oktubre.
Tampok naman sa PCNE X ang panayam ni Cardinal Mario Grech ang Secretary – General of the Synod ng Vatican kung saan binigyang diin na ang synodality ay magiging gabay sa pagbalangkas ng mga gawaing makatutulong sa kinabukasan ng simbahan lalo na ang panawagan sa mga kabataang maging aktibo sa pagpapanatiling buhay ng simbahang katolika.
“It is Christ who keeps the church young. Yet, it is young people who perhaps most readily and easily embody the church’s youthfulness,” ani Cardinal Grech.
Magtatapos ang PCNE X sa January 21, 2024 sa misang pangungunahan ni Cardinal Tagle sa ikaapat ng hapon.