360 total views
May 4, 2020, 2:43PM
Magkaroon ng pagkakataon sa isang araw na manalangin ng sabay-sabay para sa iisang intensyon na mawakasan na ang pagkalat ng pandemic na Coronavirus Disease 2019.
Ito ang apela ni Former Ambassador to the Holy See Henrietta de Villa, President ng Mother Butler Guild sa lahat ng mga Mother Butler sa gitna ng patuloy na kinahaharap ng bansa mula sa banta ng COVID-19.
Ayon kay De Villa, isa sa kanyang tagubilin at apela sa mga Mother Butlers ang paghikayat sa sabay-sabay na pananalangin ng buong komunidad upang gabayan ng Panginoon ang bawat isa mula sa pagkalat ng nakahahawa at nakamamatay na sakit.
“Sa kanila sabi ko yung mga parish members ninyo magkaroon kayo ng one time in the day na sabay-sabay kayong magdadasal ng specific devotion huwag na yung mahahaba lets say one Our Father, one Hail Mary, one Glory Be at this time o three Hail Mary’s at this time pero magkasundo sila kung anong oras nila idadasal yun bilang Mother Butler and for what intention for COVID-19 of course…”pahayag ni de Villa sa panayam sa Radyo Veritas.
Matatandaang bahagi ng ipinatutupad na Luzon-wide Enhanced Community Quarantine na muli pang pinalawig hanggang sa ika-15 ng Mayo ay ang pagbabawal sa pagkakaroon ng malalaking pagtitipon dahilan upang pansamantala munang suspendihin ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang pagsasagawa ng pampublikong Banal na Misa.
Ang Mother Butlers Guild (MBG) ay itinatag noong 1961 at napaloob o naging isang miyembro ng Sangguniang Layko ng Pilipinas taong 1976 na sa kasalukuyan ay maroon ng mahigit sa 35,000 miyembro sa buong bansa.
Nagsisilbi ang mga Mother Butler na katuwang ng mga Pari sa Simbahan upang mapanatili ang kaayusaan, at kalinisan at maging ang mga kagamitan sa Banal na Misa.