434 total views
CACERES – Pinangunahan ni Archdiocese of Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona ang pagbabasbas ng imahen ng Mahal na Ina ng Peñafrancia para sa Most Holy Trinity Parish sa Balic-Balic, Sampaloc, Manila.
Bukod sa pagiging epektibong daluyan ng pagpapalalim ng pananampalataya ng imahen ng Mahal na Ina ng Peñafrancia ay ipinanalangin rin ng Arsobispo ang mga mananampalataya ng Most Holy Trinity Parish na magsisilbing pansamantalang tahanan ng imahen ng Mahal na Ina.
“As we bless this image of Our Blessed Mother, we pray and remember as well the Christian Parish Community of the Most Holy Trinity Parish in Balic-Balic, Sampaloc [Manila]…” Bahagi ng mensahe ni Archbishop Tirona.
Nagpaabot naman ng pagbati si Naga Metropolitan Cathedral Rector and Parish Priest Msgr. Noe Badiola sa mga kinatawan mula Most Holy Trinity Parish sa Balic-Balic na magsusundo sa imahen ng Mahal na Ina ng Peñafrancia mula sa Naga City.
Ayon kay Msgr. Badiola, nawa tulad ng mga Bicolanong mananampalataya ay ganap rin na mapalalim ng imahen ng Mahal na Ina ng Peñafrancia ang debosyon at pananampalataya ng mga mananampalataya ng Most Holy Trinity Parish sa Mahal na Birheng Maria.
“Seeing the Blessed Mother blessed and taking her with you, you are carrying a part of Bicol with you too, so our warmest regards to Fr. Eric Adoviso your parish priest and of course Fr. Jobert [Fernandez] for coming here all the way from Balic-Balic, Sampaloc to fetch our Blessed Mother Our Lady of Peñafrancia.” Pagbabahagi ni Msgr. Noe Badiola.
Samantala nakatakdang magsagawa ng pagsungko ang parokya ng Most Holy Trinity sa ika-19 ng Setyembre kung saan magkakaroon ng motorcade ang imahen ng Mahal na Ina ng Peñafrancia sa buong Sampaloc, Maynila mula ala-una hanggang alas-singko ng hapon kasabay ng pagdarasal ng Santo Rosaryo.
Ang naturang gawain ay sa inisyatibo ng Most Holy Trinity Parish sa pangunguna ng Kura Paroko nito na si Rev. Fr. Eric Adoviso katuwang ang mga Bicolanong pari, seminarista, at mga dating seminarista.
Naging posible rin ang gawain sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Maynila at ng Department of Interior and Local Government.