106,668 total views
Hindi na natin makakaila, kapanalig, na ang motorsiklo ay hari na ng ating mga lansangan. Nitong 2023, halos isang milyong motorsiklo ang nabili sa ating bansa. Umaabot na sa 8.5 million ang registered motorcycles sa ating bayan, at tinatayang milyon milyon din ang hindi rehistrado.
Ang motor kapanalig, ay nangungunang choice na ng marami nating kababayan. Mura ito kaysa sa oto, mabilis makuha, at madali pang i-park. At kapag traffic ang usapan, mas mabilis ka ring makakarating sa iyong pupuntahan, pag motor ang sasakyan.
Kaya lamang, mabilis din ang disgrasya sa motorsiklo. Halos linggo-linggo, o minsan pa nga, araw araw, may nababalitaan tayong aksidente na sangkot ang motorsiklo. Kaya nga’t ang motorcycle safety ay isang isyu na hindi dapat balewalain, at ang pagsusuri sa mga panganib at hakbang na maaaring gawin upang mapanatili ang kaligtasan sa kalsada ay kritikal para sa lahat.
Unahin natin ang panig ng mga riders. Ang paglago ng bilang ng mga motorsiklo sa kalsada ay nagbibigay-diin sa pangangailangan ng malalim na pang-unawa sa mga patakaran at pamamaraan sa motorcycle safety. Maraming motorista ang hindi lubos na naiintindihan ang mga batas sa kalsada, kaya mas marami na ang bilang ng aksidente at pinsala. Isa na rito ang tamang paggamit ng helmet. Ang pag-gamit nito ay hindi lamang compliance sa sa batas, kundi isang pangunahing depensa laban sa pinsala. Pero kahit mapanganib, marami pa rin ang hindi naghehelmet. Ang rason, malapit lang naman kasi ang pupuntahan.
Ang pagsusuri ng kondisyon ng motorsiklo at ang regular na pag-serbisyo nito ay mahalaga rin para sa ating kaligtasan. Ang hindi maayos na kundisyon ng mga preno, ilaw, at iba pang bahagi ng motorsiklo ay nagiging sanhi ng aksidente. Sa pamamagitan ng regular na pag-aalaga, maaaring maiwasan ang mga teknikal na problema na maaaring magbunga ng malubhang aksidente.
Ang maayos na rider din kapanalig ay napakahalaga. Dapat siya ay laging maingat sa kalye, lalo na’t maraming mga pedestrians. Maraming pagkakataon na nababangga o nahahagip ng motor ang mga pedestrians dahil pati sidewalk, kinukuha na nito, o di kaya tuloy tuloy ang takbo kahit na sa tawiran ng tao. Pakaisipin na mahirap para sa pedestrians ang umiwas sa motor, lalo pa’t mabilis ito.
Ang pamahalaan naman ay dapat maayos na ipatupad ang mga traffic rules and regulations. Dapat din nilang bigyan ng atensyon ang motorcycle safety training, at sana ay ma enforce ito ng pamahalaan. Maraming mga drivers at riders ang nagmamaneho ng walang sapat na training kaya’t mas lalong gumugulo ang mga lansangan ng bayan. Simpleng light signals ay di magawa ng iba, pati ang mga basic rules on swerving at overtaking, hindi nila alam. Ang pagsasanay sa tamang pagmamaneho, pag-iwas sa mga peligro sa kalsada, at defensive driving ay mahalaga para ligtas tayong lahat sa kalsada.
Ang pag-gamit ng ating mga lansangan ay may kaakibat na responsibilidad. Ang kaligtasan nating lahat sa kalsada ay nakataya sa kamay nating lahat. At sa ngayon na motor na ang vehicle of choice ng marami, bata man o matanda, kailangan nating tutukan ang maayos na pag-gamit nito. Kabutihan ito ng balana, na responsibilidad nating lahat. At pagdating sa common good, payo ng Gaudium et Spes: The best way to fulfill one’s obligations of justice and love is to contribute to the common good according to one’s means and the needs of others, and also to promote and help public and private organizations devoted to bettering the conditions of life.
Sumainyo ang Katotohanan.