276 total views
Homiliya para sa Kapistahan ng Madre Dolorosa, Huwebes, a-15 ng Setyembre 2022, Juan 19:25-27
Minsan, kausap ko ang isang matandang manang na ang pangalan ay Aling Dolores sa isang parokya. Habang pinapagpag niya ang alikabok sa isang imahen ni Mama Mary na may belong itim at may pusong tinarak ng pitong sundang, ang sabi niya sa akin,“Madre De la Rosa” po ang tawag sa imahen na ito. Kaya taon-taon inaalayan daw siya ng mga rosas. Nagreact ako kaagad. Ang sabi ko, “Baka naman ho nagkamali sila. Hindi ho De la Rosa kundi Dolorosa. Diyan ho galing ang pangalan ninyo, Aling Dolores. Mula sa salitang Kastila na “dolor”, ibig sabihin, sakit. Pag sinabing “dolor de cabeza”, sakit ng ulo. Pag sinabing dolores—plural ho iyon, halimbawa nagsabay-sabay ang sakit ng ulo sa ngipin, sa tiyan, at sa tuhod. Dolores na ang mga iyon, dolores del cuerpo.”
Sumagot si Aling Dolores, “Ganoon ho ba? Maysakit pala si Mama Mary sa imahen na ito? Ano’ng sakit niya?” Sabi ko, “Ibang klase ho. Mga sakit ng kalooban—sakit na makitang nasasaktan ang anak niya dahil hinatulan ng kamatayan sa krus na parang kriminal kahit wala namang kasalanan. Sakit na makitang iniwan siya ng kanyang mga alagad at kaibigan na nagsipagtago dahil sa takot na baka sila’y madamay. Sakit na makita ang pagmamalupit na ginawa sa kanya ng mga sundalo na para bang hindi siya tao. Maraming sakit. Kaya may pitong espadang nakaturok sa kanyang puso. Parang paglalarawan na patulâ.”
Iyung pinapagpagan ni Aling Dolores ng alikabok ay ang kahulugan ng pinagdiriwang ng simbahang Katolika sa araw na ito ng a-kinse ng Setyembre: Ang “Madre Dolorosa.”
May isang bagong labas na libro na ang pamagat ay “The Passion of Christ Through the Eyes of Mary.” Isang koleksyon ito ng mga meditations ng mga sinaunang mga monastic Christian writers, tulad nina Saint Anselm of Caterbury, St Bernard of Clairvaux, atbp. Kinolekta at isinalin sa English ng isang Benedictine monk, Fr Robert Nixon, OSB. Magandang spiritual reading for meditation sa araw na ito ng Dolorosa.
Palagay ko ito ang pinagkuhanan ng inspirasyon ni Mel Gibson sa madugo niyang pelikulang “The Passion of the Christ.” Kumita daw ng 650 Million dollars ang pelikulang iyon. Kahit pamilyar na ang mga nanood sa kuwento ng pasyon at kamatayan ni Hesus sa kalbaryo, pinanood pa rin kasi ng milyon milyon katao dahil kakaiba ang pagkakakuwento. Binigyan niya ng kakaibang perspective o pananaw. Parang tiningnan lang muli ang mga malagim na pangyayaring humantong sa kalbaryo, pero mula sa mata ni Mama Mary. May mga parte pa nga na parang flashback, halimbawa, sa pagbagsak ni Hesus habang nagbubuhat ng krus biglang may sumisingit na flashback ng isang alaala sa isip ni Mama Mary nang unang bumagsak at nasaktan si Hesus noong maliit na bata pa siya.
Pag nagbabasa tayo ng kuwento, minsan akala natin ang awtor lang ang nagkukuwento. Pwede palang magsulat ang isang awtor ng isang kwentong naisulat na ng iba, pero kahit parehong kwento ay magiging kakaiba, dahil iba ang narrator o tagakuwento. Ano kaya’t isulat na muli ang ebanghelyo pero mula pananaw ni Maria?
Napaisip tuloy ako na baka ganoon talaga ang layunin ng ebanghelyo ni San Juan. Kasi, naroon si Maria sa simula at katapusan—sa kuwento ng kasalan sa Cana (Jn 2:1-11), nang sabihan ng ina ang mga alagad na gawin ang ipagagawa ng anak niya, kahit nasabi na niya na hindi pa niya oras. At sa dulo, sa binasa naman natin ngayon (Jn 19:25-27), nang ipagbilin ng nag-aagaw-buhay na Kristo sa nanay niya, ang “alagad na mahal niya.” At sa alagad, na ituring si Maria bilang sarili na rin niyang ina.
Sa araw na ito, inaanyayahan tayo ng simbahan na pumasok din sa eksena. Tayo naman ang hinihimok ni San Juan na magkuwento, na tayo naman ang pumapel sa papel ng “alagad na minamahal”, at tumingin sa kaibigang nakapako sa krus bilang ating kapatid at sa nanay niya bilang nanay natin.