183 total views
Mga Kapanalig, hindi rescue operation kundi raid ang ginawa ng mga pulis sa isang retreat house sa Cebu noong nakaraang linggo kung saan iniligtas nila umano ang mga batang lumad na kinupkop doon upang maipagpatuloy nila ang kanilang pag-aaral.
Sa isang dapat ay tahimik na lugar, umalingawngaw ang sigawan ng mga batang lumad na pilit kinuha ng mga pulis at kawani ng DSWD upang iligtas sila mula sa anila’y mga nag-uudyok sa kanilang sumapi sa New People’s Army. Giit ng mga awtoridad, tumugon lamang sila sa panawagan ng ilang magulang para iligtas ang kanilang mga anak na dalawang taon nang hindi umuuwi sa kanila. Sa 26 kataong inaresto, 19 ang menor de edad. Ginawa nila ang paghuli nang walang pakikipag-ugnayan sa pamunuan ng University of San Carlos (o USC) kung nasaan ang retreat house na pinangangasiwaan ng mga paring SVD o Societas Verbi Divini Philippines.
Paglilinaw ng Save Our Schools Network, isang grupong tumutulong sa mga mag-aaral na lumad na biktima ng militarisasyon sa kani-kanilang lugar, naroon ang mga bata sa Tamban Campus ng USC sa Cebu City upang maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral. Patuloy kasi ang karahasan sa kanilang lugar sa Davao del Norte kung saan nagbabakbakan ang mga sundalo, kasama ang mga tinatawag na paramilitary members, at mga rebeldeng NPA. Ang pagtungo sa Cebu, kung saan tinanggap sila ng mga paring SVD at ng Archdiocese ng Cebu, ay bunsod ng pagbabanta sa buhay ng mga guro at mag-aaral sa mga paaralan ng mga katutubo at ng pagpilit sa kanilang lisanin ang kanilang lupang-ninuno na nais daw kamkamin para sa pagmimina. Dumating sila sa Cebu noong Marso 2020 at inaasahang bumalik sa Davao del Norte sa Abril kapag matapos na ang kanilang modular schooling, ngunit naabutan na nga sila ng lockdown dahil sa COVID-19. Nang bahagyang lumuwag ang mga travel restrictions, nagplano rin silang bumalik sa kanilang lugar, ngunit lubhang magastos ang mga requirements upang makauwi sila katulad ng swab tests.
Matagal nang mainit sa mga mata ng pamahalaan ang mga paaralan ng mga katutubo sa Mindanao dahil sa paniniwalang nagtuturo ang mga ito ng mga ideolohiyang nag-uudyok sa mga mag-aaral na magrebelde. Kung inyong matatandaan, ipinasara noong Oktubre 2019 ng Department of Education ang 55 paaralan ng Salugpungan Ta’ Tanu Igkanogon Community Learning Centers sa Davao region dahil maliban sa hindi raw paggamit sa curriculum ng DepEd at sa pagdadala ng mga estudyante sa mga paaralan nang walang pahintulot ng mga magulang (bagay na dapat ding imbestigahan), hinihikayat daw ng mga guro ang mga mag-aaral na sumapi sa mga makakaliwang grupo. At hindi ba’t minsan nang nagbanta si Pangulong Duterte na bobombahin ang mga paaralan ng mga lumad dahil din sa ganitong paniniwalang wala namang matibay na ebidensya?
Binuksan ng ating Simbahan, sa pangunguna ng mga paring SVD at ng Archdiocese of Cebu, ang pinto nito para sa mga batang bakwit at mga katutubo dahil naniniwala tayong ang pagkiling sa maliliit sa ating lipunan at mga biktima ng pagmamalabis sa kapangyarihan at karahasan ay ang kahulugan ng pagsunod kay Hesus na pumanig sa mahihirap at isinasantabi ng lipunan. Ito rin ang nasasaad sa Mga Kawikaan 31:8-9, “Ipagtanggol mo ang mga ‘di makalaban, ipaglaban ang kanilang karapatan. Ipahayag mo nang malinaw ang katotohanan at ang katuwiran, at igawad ang katarungan sa api at mahirap.”
Mga Kapanalig, kailangang iligtas ang mga batang bakwit hindi mula sa edukasyong nagmumulat sa kanilang mga mata at isip, kundi mula sa karahasan sa kanilang lupang-ninuno na ang pamahalaan din ang may kagagawan. Ang karahasang ito ang tunay na nagtutulak sa mga kababayan nating gumamit din sa karahasan.