348 total views
Mariing kinondena ni San Carlos, Negros Occidental Bishop Gerardo Alminaza ang muling pagbubukas ng operasyon ng Thermal Visayas, Inc. (TVI) Coal Power Plant sa Toledo City, Cebu.
Ayon kay Bishop Alminaza, hindi naaangkop sa kasalukuyang sitwasyon ng lalawigan ng Cebu ang pagbubukas ng nasabing planta dahil nasa proseso pa rin ito ng pagbangon mula sa pananalasa ng Bagyong Odette noong Disyembre nang nakaraang taon.
Makadaragdag lamang ito sa pagdurusa ng mga residente dahil ang planta ay magdudulot ng masama at mapanganib na epekto sa kalikasan at kalusugan ng mga komunidad na malapit dito.
“This calls for public outcry and collective action! This is another example of putting profit first before planet and people,” pahayag ni Bishop Alminaza.
Sa anunsyo ng Philippine Movement for Climate Justice, sinabi nito na ang coal power plant ay lubhang napinsala ng Bagyong Odette, ngunit patuloy pa rin ang operasyon at naglalabas ng maitim na usok at abo sa buong lungsod na nagdudulot naman ng pagkahilo at hindi magandang amoy para sa mga residente.
Kaugnay nito, nagsagawa ng kilos-protesta ang grupong Limpyong Hangin Para sa Tanan (LAHAT) upang ipanawagan ang muling pagsasara ng planta upang hindi na magdulot ng panganib sa kapaligiran at kalusugan.
Panawagan naman ni Bishop Alminaza sa lokal na pamahalaan ng Toledo City na kumilos at tuparin ang mandato na panatilihin ang kaligtasan ng mga residente.
Gayundin ang pagsasagawa ng masusing imbestigasyon para hindi na ito tuluyan pang makapaminsala sa lungsod maging sa buong lalawigan ng Cebu.
“We call on Toledo’s local government unit to exercise its mandate to secure the safety of its residents and to further investigate this,” saad ni Bishop Alminaza.
Una nang iminungkahi ni Pope Francis sa kanyang Laudato Si ang pagpapalawak ng paggamit sa renewable energy upang maibsan ang kakulangan sa kuryente, at mapalitan ang mga fossil fuels na nagdudulot ng pagkasira sa kalikasan.