427 total views
Kinundina ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas ang muling paghahain ng panukalang batas para sa pagkakaroon ng diborsyo sa Pilipinas.
Ayon kay LAIKO Public Relations Officer Bro. Xavier Padilla, hindi katanggap-tanggap ang muling paghahain ni Albay Representative Edcel Lagman ng House Bill No. 78 o ang “Absolute Divorce Act” sa paniniwalang ang diborsyo ay bahagi ng karapatan ng mga kababaihan.
Ipinaliwanag ni Padilla, chairman ng Family Rosary Crusade at Chief Communications Officer ng Couples for Christ Foundation, ang pagpapahintulot sa pagkakaroon ng diborsyo sa bansa ay makakasira lamang sa pamilyang Pilipino at moral na pagpapahalaga ng mamamayan.
“The Sangguniang Laiko ng Pilipinas denounces the re-filing of Albay Rep. Excel Lagman of his Absolute Divorce Act. Allowing divorce will further damage the Filipino family, and attack the morals and values that are inherently Pinoy,” pahayag ni Padilla sa Radio Veritas.
Iginiit ni Padilla na dapat mamulat ang mga Pilipino sa masamang epekto ng diborsyo sa mga kabataan tulad na lamang sa Western countries kung saan karaniwang naliligaw ng landas ang mga kabataang magkahiwalay ang magulang dahil na rin sa kakulangan ng paggabay.
Inihayag ni Padilla na sa halip isulong ang diborsyo ay mas dapat na tutukan ang ganap na paghahanda sa mga magpapakasal para sa buhay may asawa sa pamamagitan ng counseling at higit na pagpapalalim sa kanilang buhay espiritwal.
“We see from Western countries how divorce affects the children, and lead them on paths to brokenness. We instead should work on marriage preparation, counseling and stronger support systems for couples and families,” dagdag pa ni Padilla.
Unang inihain ang panukalang Absolute Divorce sa Senado noong 17th Congress na isinulong din ni Lagman sa Kongreso noong 18th Congress ngunit nanatili lamang sa Committee on Appropriations.
Kabilang ang diborsyo sa itinuturing ng Simbahang Katolika na Death Bills na mga panukalang batas na labag sa utos ng Diyos at taliwas sa misyon na iniatang sa Simbahan para sa pagpapatibay ng pundasyon at kasagraduhan ng buhay at pamilya.
Sa kasalukuyan tanging sa Pilipinas at Vatican City na lamang walang umiiral na batas na nagpapahintulot ng diborsyo.