729 total views
Ikinababahala ng Alyansa Tigil Mina ang binabalak ng Sangguniang Panlalawigan ng South Cotabato na muling pahintulutan ang operasyon ng pagmimina sa lalawigan.
Hinggil ito sa panawagan ng Diocese of Cotabato at iba pang makakalikasang grupo na patuloy na ipagbawal ang pagsasagawa ng open-pit mining partikular na ang kontrobersyal na Tampakan mining project.
Ayon kay ATM National Coordinator Jaybee Garganera, nauunawan nilang responsibilidad at kapangyarihan ng lokal na pamahalaan ang magpasa at magpatupad ng mga batas at panuntunan para sa ikabubuti ng kinasasakupan.
Ngunit, sinabi ni Garganera na dapat pa ring isaalang-alang ng pamahalaan na palaging magkaugnay ang aspeto ng pag-unlad at pangangalaga sa mga likas na yaman.
“Nakakalungkot ‘yung development na ito kasi isang environmental protection law ang kanilang babaguhin. Hindi biro kasi ‘yung amendment na gagawin nila. Ang aamyendahan nila ay ‘yung provincial environment code at sa kabuuan mukhang malinaw ‘yung intensyon na tanggalin lamang ‘yung ban on open pit mining,” pahayag ni Garganera sa panayam ng Radio Veritas.
Pagbabahagi ng opisyal, marami ring hindi nasusunod na panuntunan o mga tamang paraan sa proseso ng pagbabago ng provincial environment code.
Kabilang na rito ang hindi pagkakaroon ng maayos na konsultasyon sa mga apektadong komunidad; kakulangan sa mga dokumento na nagpapatunay at nagpapakita ng mga pinag-usapan sa mga public hearing; at ang maayos na pakikipag-debate sa pagitan ng lokal na pamahalaan at komunidad.
Maliban dito, dagdag pa ni Garganera na maging ang Diyosesis ng Cotabato na nangunguna sa pangangampanya laban sa mapaminsalang proyekto ay nakakaranas na rin ng pagbabanta at paninira.
“Bahagi nung ating ikinalulungkot ay maraming naninindigan pero sinisira ‘yung kanilang reputasyon at sinasabi na nagsisinungaling. Pero lahat tayo, lahat ng makakalikasang grupo lalo na ang nangunguna mula d’yan kay Bishop [Allan] Casicas, sa diocese at mga taga-parokya, ginagamit natin ‘yung scince-based evidence mula sa pag-aaral ng iba’t ibang grupo,” ayon kay Garganera.
Magugunita noong Agosto 2021 nang maglunsad ng signature campaign ang diyosesis bilang pagsuporta sa panawagang pigilan ang Sangguniang Panlalawigan sa pagbawi sa ban para sa open-pit mining.