224 total views
Ang muling pagpapaliban ng halalang pambarangay at pagtatalaga ng mga opisyal na mangangasiwa sa barangay ay tanda ng “Authoritarian Regime” ng isang pamahalaan.
Ito ang binigyang diin ni Sister Mary John Mananzan, OSB, dating co-Chairperson ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines at Former President ng St. Scholastica’s College kaugnay sa hakbang ng Kongreso na ipagliban muli ang halalang pambarangay.
Iginiit ng Madre na ang anumang pagsupil sa karapatan ng mga mamamayan sa isang demokratikong sistema ng pamahalaan tulad ng karapatang bumoto at maghalal ng mga opisyal ay isang nakababahalang tanda ng “authoritarianism”.
“It (Barangay Elections) should be pushed through kasi kung hindi magpu-push through yan ang ibig sabihin ia-appoint nalang sila, for me that is another sign of being Authoritarian. We just launched yung Movement Against Tyranny, those are the things that we are watching all these moves that are taking away the Democratic rights of the people or narrowing their democratic spaces kasi that is the one that is leading to authoritarianism…” pahayag ni Sister Mananzan sa Radio Veritas. Kaugnay nito inihayag ng Commission on Elections na maaring umabot sa mahigit 18-milyong piso ang masasayang kung tuluyang ipagpaliban ang halalang pambarangay.
Paliwanag ni COMELEC Spokesman James Jimenez, mahigit sa 6 na milyong mga balota na ang naimprenta ng kumisyon para sa nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa ika-23 ng Oktubre.
Paliwanag ni Jimenez kinakailangang magpatuloy ang Komisyon sa paghahanda para sa halalang pambarangay hangga’t hindi nakapagdidesisyon ang Kongreso kaugnay sa pagpapatuloy o muling pagpapaliban ng halalang pambarangay.
Sa bahagi ng Simbahan, ang pagboto ay isang mahalagang sangkap ng demokrasya at unang hakbang para sa pagbabago ng lipunan.