193 total views
Welcome sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV ang paglagda ng pangulong Rodrigo Duterte sa Republic Act 10952 na nagpapaliban sa nakatakdang SK at Barangay election.
Sinabi ni PPCRV Vice-chairman for Internal Affairs Johnny Cardenas na naaangkop lamang na nagkaroon ng batas upang hindi na mabitin at masayang pa ang paghahanda ng lahat para sa halalang pambarangay.
Inihayag ni Cardenas na nakasubaybay ang PPCRV sa pinal na desisyon upang maihanda ang mga volunteers sa iba’t-ibang diyosesis sa buong bansa.
Ayon kay Cardenas, dahil sa muling pagpapaliban ng halalan ay magkakaroon pa ng sapat na panahon ang lahat upang mapaghandaan ito sa susunod na taon.
“Mabuti naman at nagkaroon na ng final decision doon sa cancellation ng October kasi nakabitin lahat kung tutuloy o hindi so it has been signed already then at least wala ng (gagawing preparations) pati kami eh kasi naghahanda rin kami to mobilized yung volunteer pero kung meron ng official suspension okey na, okey na din kami at least we have sufficient time to prepare for 2018…”pahayag ni Cardenas sa Veritas patrol.
Sa ilalim ng nilagdaang Republic Act No. 10952 noong ika-2 ng Oktubre ay itinakda ang halalang Pambarangay sa ika-14 ng Mayo o ikalawang Lunes ng buwan ng Mayo ng susunod na taong 2018 na halos higit 7-buwan magmula ngayon.
Nasasaad rin sa naturang kautusan ang pananatili ng kasalukuyang mga opisyal ng barangay hanggang sa ika-30 ng Hunyo, 2018 bago opisyal na maupo sa katungkulan ang mga nanalong sa Halalang Pambarangay sa Mayo.
Bukod dito, nakapaloob rin sa RA 10952 na matapos ang isasagawang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa May 14, 2018 ay susundan muli ito ng Halalang Pambarangay sa ikalawang Lunes ng Mayo taong 2020 at magmula ito ay muli ng isasagawa ang Barangay at SK Elections kada tatlong taon.
Mula ng maitatag noong 1991 umabot na sa 28-eleksyon ang nilahukan at binantayan ng PPCRV na pangunahing tagapagbantay ng Simbahang Katolika sa pagkakaroon ng isang maayos at tapat na eleksyon sa Pilipinas kung saan sa kasalukuyan ay umaabot na sa 700-libo ang volunteers nito mula sa iba’t ibang diyosesis sa buong bansa.
Nauna rito, tinawag ng Association of Major Religious Superior of the Philippines na isang senyales ng authoritarianism ang muli na namang pagpapaliban sa SK aty Barangay elections.
Read: Muling pagpapaliban sa Barangay at SK election, labag sa Saligang Batas