606 total views
Tinutulan ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV ang planong pagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election na itinakda sa December 2022.
Ayon sa PPCRV, ang muling pagpaliban sa halalang pambarangay ay magpapahina sa kahalagahan ng barangay sa lipunan lalo na ang paglilingkod sa pamayanan.
Tinaguriang ‘most basic local government unit’ ang barangay sapagkat ito ang nangunguna sa paghahatid ng serbisyo sa mamamayan at mabilis na makatutugon sa oras ng pangangailangan ng nasasakupang komunidad.
“The calls to postpone the Barangay and Sangguniang Kabataan Elections seem to undermine the barangay’s important role and significance in the daily dissemination of basic services to the Filipino people,” bahagi ng pahayag ng PPCRV.
Unang ipinagpaliban ang Barangay at SK Elections noong 2018 kaya’t nasa limang taon nang naglingkod ang mga kasalukuyang opisyal ng barangay.
Ayon sa mandato ng Republic Act 11462 isinasaad dito na ang synchronized Barangay and SK elections ay gaganapin tuwing ikatlong taon sa unang Lunes ng Disyembre.
Iginiit ng church election watchdog na ang pagpapaliban sa halalan ay pagkait sa karapatan ng mamamayan na pumili ng mga lider na maasahan lalo na sa agarang pagtugon sa pangangailangan ng komunidad tulad ng nangyaring COVID-19 pandemic.
“Postponement of the election also deprives citizens of the right and critical need to replace those leaders who did not optimally and adequately exercise their voter-given mandate,” giit ng grupo.
Batid ng grupo na ito rin ay pagpigil sa karapatan ng mga kabataan na maghalal na kabataang lider na magsusulong sa kanilang kapakanan.
“The postponement of the Sangguniang Kabataan elections stifles their right to participate as youth leaders and to vote for other youth leaders,” giit ng PPCRV.
Inihayag ng PPCRV na hindi makatarungang dahilan ang paghilom sa katatapos na May 2022 elections at ang paglipat ng P8.2-bilyong pisong pondo para sa Barangay at SK Elections para gamitin sa COVID-19 programs para ipagpaliban ang halalan.
Binigyang diin ng PPCRV na ang halalang pambarangay at mga programang pagtugon sa pandemya ay parehong mahalaga at pinaglalaanan ng pondo kaya’t walang sapat na dahilan para ipagpaliban ang halalan sa Disyembre.
Una na ring tinututulan ng iba’t ibang grupo kabilang na ang mga church leaders ang planong pagpapaliban sa Barangay at SK Elections.