574 total views
Umaasa ang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippine (CBCP) na magdudulot ng kabutihan ang ipatutupad na mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC).
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on the Laity dapat hindi masasayang ang panahon na ilalaan para sa nasabing programa at tuluyang mahubog ang kabataan sa pagiging makabayan.
“Nawa’y maging educational itong ROTC na hindi lang pamartsa-martsa ang mga bata kundi mag-create talaga nang patriotism sa mga kabataan,” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Umaasa pa ang Obispo na nawa’y may sapat na kaalaman at kakayahan ang mga magpapatupad ng ROTC upang maisakatuparan ang layunin ng programa.
Una nang kinatigan ng Department of Education (DepEd) ang muling pagpapatupad sa ROTC program dahil makatulong ito sa kinabukasan ng bansa na magkaroon ng matatag na mamamayan at mahubog sa disiplina ang mga kabataan.
Kinondena naman ng grupong Gabriela at Kabataan ang planong mandatory ROTC sa senior high school dahil sa pangambang magdudulot ito ng militarisasyon at takot sa loob ng mga paaralan na magiging sanhi ng pang-aabuso sa karapatang pantao.
Paalala rin ni Bishop Pabillo na kung tuluyang maipatupad ang mandatory ROTC ay tiyaking hindi ito makalalabag sa karapatan ng mga kabataan at maiwasan ang mga pang-aabuso.
Nilinaw naman ni Senator Sherwin Gatchalian ang sponsor ng panukalang batas na kabilang sa mga pagsasanay sa ilalim ng ROTC ang kahandaan sa kalamidad at capacity-building para sa mga risk-related situation upang makatulong sa bansa kung may kalamidad.
Sinabi pa ni Bishop Pabillo na sana’y hindi na maulit ang nangyari noong unang ipinatupad ang ROTC kung saan nasasayang ang oras at salapi dahil sa hindi maayos na pagpapatupad ng programa.
“Maraming mga bagay ang maganda, pagdating sa implementation ay ‘yun ang problema kasi isa yan sa naging problema ng ROTC noon na walang natutuhan ang mga kabataan; nagsasayang lang ng panahon at pera,” saad pa ni Bishop Pabillo.