353 total views
Mga Kapanalig, muli na namang binanggit ni Pangulong Duterte sa kanyang State of the Nation Address ang kagustuhan niyang maipasá na ang National Land Use Act o NLUA. Itinuon niya ang kanyang panawagan sa Senado, na hanggang ngayon ay hindi pa rin nagsasagawa ng anumang pagdinig tungkol sa nasabing batas mula nang magsimula ang Administrasyong Duterte. Naipasá naman na ito sa Mababang Kapulungan noong isang taon pa.
Kapag naisabatas na ang NLUA, magkakaroon ng isang pambansang balangkas (o national framework) na gagabay sa mga patakaran at plano para sa mas makatwiran at makatarungang paggamit ng lupa. Ibababa ang balangkas sa mga lungsod at bayan upang maiplano nila ang tamang alokasyon ng mga lupa sa nasasakupan nila. Nililinaw ng balangkas ang apat na pangunahing gamit ng lupa: para sa pangangalaga ng kalikasan, para sa produksyon ng pagkain, para sa pagtatayuan ng kabahayan at mga gusali, at para sa mahahalagang imprastraktura.
Iniugnay ng pangulo ang kanyang panawagan para sa pagsasabatas ng NLUA sa nangyayari sa Boracay, at may punto siya rito. Dahil sa turismo, naging kabi-kabila ang pagtatayo ng mga gusali roon, at walang pakundangan ang pagdami ng mga negosyong nakapipinsala sa kalikasan at sa kabuhayan lalo na ng mga katutubo. Dahil sa mga negosyong ito, walang naiwang lugar para sa mga mahihirap upang pagtayuan ng kanilang bahay, kaya’t nakatungtong sa mga dalampasigan ang kanilang barung-barong. Kulang din ang mga imprastraktura para sa maayos na pagtatapon ng basura at dumi sa buong isla.
Buháy na halimbawa nga ang Boracay ng isang lugar na walang maayos at komprehensibong plano sa tamang paggamit ng lupa. At hindi ito hahantong sa ganitong kalagayan kung noon pa man ay maayos nang naiplano ang mga lugar na pagtatayuan ng mga negosyo, mga lugar na pagtatayuan ng mga bahay, at mga lugar na paglalagyan ng mga kalsada at daluyan ng dumi. Naiwasan din sana ang pagkamkam ng mayayaman ng lupa ng mga katutubo na noong 2013 nga ay naging ugat ng pagkakapatay sa isang lider ng mga Ati.
Inamin ni Pangulong Duterte na may bahagi ang kanyang administrasyon sa kinahinatnan ng Boracay, kaya naman pinili niyang ipasara ang isla, bagamat binabatikos ang hakbang niyang ito dahil sa kawalan ng malinaw na plano. Nanindigan ang administrasyong ibabalik nito ang integridad ng kalikasan ng isla, at sa pamamagitan nga ng NLUA, aatasan nito ang mga lokal na pamahalaang ayusin ang pagpaplano ng gamit ng lupa sa kani-kanilang lugar.
Sang-ayon ang diwa at layunin ng NLUA sa pagpapahalaga ng Simbahan sa karangalan ng sanilikha. Tandaan nating hindi lamang para sa ating mga tao ang kaligtasang kaloob ng Diyos; para rin ito sa ating mga kapwa-nilikha sa daigdig na ito, ang ating kalikasan. Makatutulong din ang NLUA sa mas makatarungang paggamit ng lupa dahil pipigilan nito ang pagkamkam ng mga malalaking negosyo ng mga lupang dapat pinakikinabangan ng mga magsasaka at maralitang pamilya. At sang-ayon naman ito sa isang pang prinsipyo ng panlipunang turo ng Simbahan tungkol sa paglalaan ng lahat ng biyaya ng Diyos, kabilang ang lupa, para sa lahat ng tao, hindi lamang sa iilan. Bagamat iginagalang natin ang pribadong pagmamay-ari, hindi dapat gamitin ang lupa para lamang sa kapakanan ng may-ari; ito ay dapat ibahagi sa iba.
Subaybayan natin, mga Kapanalig, kung tatalima ang Senado sa panawagan ni Pangulong Duterte at ng iba pang grupong matagal nang nagsusulong ng NLUA. Uubra kaya ang sinasabing political will ng pangulo, o mas pakikinggan ng mga mambabatas ang boses ng mga negosyante at private developers na malapít din sa kanila at sa iba pang nasa pamahalaan? Ang kahahantungan ng NLUA ang magiging sukatan natin kung kanino talaga naglilingkod ang ating mga lider.
Sumainyo ang katotohanan.