292 total views
Homiliya para sa Huwebes sa Ikalawang Linggo ng Kuwaresma, 09 Mar 2023, Lk 16, 19-31
Ang dating arsobispo ng Maynila na mas kinagigiliwan naming tawaging “Lolo Dency” and nagpasimula ng Pondo ng Pinoy. Kinuha niya ang inspirasyon mula sa konsepto ng mumo, o mga tira-tira mula sa mesa na hinihintay ng mga aso. “Hindi ako humihingi ng malaki,” wika niya; mumo lang. Kahit iyung pinakamaliit na mumong barya na 25 sentimos na naiiwan sa bulsa o di na pinupulot pag nahulog sa lupa, ipunin lang sa bote at dalhin sa parokya. Ang importante ay hindi mga minsanang donasyon na malakihan, kundi maliliit na tira-tira na kusang iniipon para ibahagi sa mga nangangailangan. Ang islogan na pinasikat niya ay “Anumang maliit, basta malimit ay patungong langit.“
Kaya nasabi kong ang inspirasyon na pinagkuhanan ay ang ebanghelyo natin ngayon ay dahil, ayon sa kuwento, mumo lang o tira-tira ng mayaman ang hinihintay ng pulubing si Lazaro na mahulog mula sa mesa, pero kahit iyon hindi niya maabot dahil nauunahan pa siya ng mga aso. Kaya namatay siya sa gutom.
Maliit pa kami, madalas nang ipaalala sa amin ng nakatatanda na huwag magsasayang o magtatapon ng pagkain kung ayaw namin mahulog sa purgatoryo. Kaya siguro naging prinsipyo ni Lolo Dency, hindi naman kailangang milyon o libo ang ibahagi. Kahit mumo lang, basta tiyaking makaabot sa nagugutom, anumang maliit, basta malimit ay patungong langit. (Ito rin ang isnpirasyon ng ating “Alkansya sa Kuwaresma”).
Alam kasi ni Lolo Dency na madalas ang mga mumo o tira-tira na inaabangan ng mga dukha, kahit sa mga aso ay hindi na nakakaabot ngayon. Una, dahil ang mga alagang aso ngayon ay hindi na pinakakain ng mumo, may ispesyal na dog food na para sa kanila. May ispesyal pa nga silang mga barberya, restaurant, ospital at libingan. Pangalawa, dahil ang maraming mumo ng mayayamang lipunan ay sa basura ito itinatapon ng mga tinatawag ni Pope Francis na “throw-away societies”.
Kung minsan, kapag medyo ginabi na ang uwi ko mula sa isang appointment, napapansin ko na kung kailan malapit magsara ang mga restaurant at fast food chains, mas lalong dumadami ang tao sa labas. Saka ko lang nalaman na hindi pala kostumer ang mga iyon kundi mga nag-aabang sa basurang siguradong makukuhanan nila ng tira-tirang pagkain na hindi naubos ng umorder. Sa panahong ito na pumapalo sa 8-9 porsiyento kada buwan ang inflation rate, kahit hindi alam ng mahihirap ang ibig sabihin ng inflation, ramdam nila ang epekto nito: gutom.
Minsan naikwento ng isang kilala kong pari na ang yumaong tatay niya ay naging waiter sa isang steak house sa Clark noong panahon na ang Clark ay Base militar pa ng mga Kano. Bawal daw na mag-uwi ang mga empleyado ng kahit na tira-tira. Kaya ang style ng mga waiter ay ilalagay sa hiwalay na basurahan na tinawag na “kaning-baboy” ang mga tirang pagkain at iyon ang hinihingi sa boss na Amerikano. Pag-uwi, dinudukot mula sa kaning-baboy ang mga tira-tirang steak mula sa basura, hinuhugasan, at nilulutong muli para pagsaluhan nila. Kaya daw siya tumaba, sa kakakain ng steak. Tawa siya nang tawa pero ako—naluha ako sa kuwento niya. Uso na pala noon pa ang tinatawag ngayon na “pagpag”.
Ang babala ni Abaraham sa ebanghelyo ay hindi pakunswelo-de-bobo sa mga dukha na may langit namang naghihintay sa kabilang buhay kahit puro pagdurusa ang danasin nila dito sa lupa. Ito ay babala para sa atin na nabubuhay pa dito sa lupa—na wala tayong hihintaying langit sa kabila kung hahayaan natin maging impyerno ang daigdig para sa nakararami, kung hahayaan nating manatili ang mga malalaking agwat sa pagitan ng mga tao, kahit alam nating pantay-pantay lang naman ang dangal natin.
May isa pang kuwento sa ebanghelyo tungkol sa mumo o tira-tira, na mas positibo kaysa pagbasa natin ngayon. Ito ang kuwento ng limang tinapay at dalawang isda na nagpakain ng limanglibo katao. Doon, mas marami pa ang mumo o tira-tira, kaysa pinagmulan nito. Negatibo ang konsepto ng mumo sa kuwentong binasa natin ngayon. Mumo ito ng mga nagpapasasa, mumo ng walang pakialam o malasakit. Mumong imposibleng maabot kahit ng mga aso dahil mas mahal pa ang aso kaysa kapwa-tao.
Ang positibong mumo ay ang pinasikat ni Patricia Non—na mga community pantries noong kasagsagan ng pandemya. “Kumuha ayon sa pangangailangan; magbigay ayon sa kakayahan.” Kahit malakas ang palo ng inflation sa pera, basta malakas din ang palo ng malasakit sa kapwa—laging mas marami ang mumo at tira-tira kaysa mga tinapay at isda na pinagmulan ng mga ito.