219 total views
Mga Kapanalig, nitong mga nakalipas na linggo, halos araw-araw ang pag-ulang dala ng hanging habagat dito sa Luzon. Una na itong pinalakas ng Bagyong Fabian na bagamat hindi tumama sa lupa ay hinigop naman ang hanging nagdala ng malalakas na pag-ulan.
Sa tindi ng pagbaha sa bayan ng Macabebe sa Pampanga, nagdeklara ang kanilang lokal na pamahalaan ng state of calamity. Ganito rin ang nangyayari sa Sablayan, Occidental Mindoro kung saan halos 4,000 pamilya ang naapektuhan ng pagbahang dala ng malakas at tuluy-tuloy na pag-ulan. Maraming pananim, tirahan, at imprastraktura ang napinsala.
Ngunit hindi lamang tayo sa Pilipinas ang nakararanas ng matinding pagbaha. Maging sa ibang bahagi ng mundo na dati ay hindi natin nababalitaang lumulubog sa baha ay sinasalanta na rin nito ngayon. Sa Belgium sa Europa, matinding pagbaha ang naranasan sa timog na bahagi ng bansa at kumitil sa buhay ng 36 na tao. Ayon sa mga Belgians, noon lamang sila nakaranas ng ganoong pagbaha. Maging ang Germany at Netherlands ay nakaranas ng malalang pagbaha. Umabot sa mahigit 200 katao ang naitalang namatay at mahigit 170 naman ang nawawala sa mga bansang sinalanta ng pagbaha.
Nakakapangamba rin ang naranasang pagbaha sa China. Nariyang pumasok pa sa loob ng isang subway ang rumaragasang tubig, at umabot sa 500 katao ang na-trap. Matapos ang insidenteng kumitil sa buhay ng 14 na tao sa probinsya ng Henan, dinumog ng mga tao ang subway na nagsilbing lugar ng kanilang pagluluksa.
Pagkatapos ng ganitong mga kalamidad, bukambibig ang mga katagang “building back better” o ang pagtatayong muli ng mga nasirang ari-arian at mga imprastraktura. Ngunit mas kailangan nating umaksyon na upang pabagalin ang global warming na sanhi ng climate change na nagdadala naman ng matitinding pag-ulan at bagyo. Sabi nga ng Swedish climate activist na si Greta Thunberg, hindi na pwedeng mag-role play ang ating mga liders. Hindi na sila dapat magkunwaring mayroon silang ginagawa habang ang totoo ay nanatiling business as usual ang mga malalaking industriya at mga mayayamang bansang nagbubuga ng greenhouse gases na nagpapainit sa ating planeta. Aniya, hindi nila dapat pinaglalaruan ang kanilang kapangyarihan at magbitiw lamang ng mga panagko. Higit sa lahat, hindi nila dapat pinaglalaruan ang kinabukasan ng mga bata at susunod na henerasyon.
Ganito rin ang mensahe ni Pope Francis sa kanyang encyclical na Laudato Si’. Hinihimok niya tayong mga Katolikong iwanan ang business as usual na pagtugon sa mga problema sa ating kapaligiran. Dapat nating kilalanin ang ating responsibilidad na pangalagaan ang kalikasan bilang bahagi ng ating pagiging Kristiyano. Aniya, “it is good for humanity and the world at large when we believers better recognize the ecological commitments which stem from our convictions and faith.”[7] Ang mundo ay ipinahiram lamang sa atin, gaya nga ng sinabi sa atin ng Diyos sa Levitico 25:23 na “pinatitirhan ko lamang sa inyo [ito].” Ito ang pangunahing dahilan upang pagsumikapan nating alagaan ang ating kapaligiran, at isang konkretong hakbang dito, gaya ng sabi ni Greta Thunberg, ay ang pakalampag sa mga nasa kapangyarihan upang hindi nila isakripisyo ang kinabukasan ng mga bata sa ngalan ng kaunlaran.
Mga Kapanalig, maaaring sa gitna ng pandemya ay hindi na natin nagiging alalahanin ang pangangalaga sa kalikasan. Pakatandaan nating kung mas naaalagaan natin ang ating paligid, mas masusugpo natin ang pandemya at maaaring hindi na ito mauulit. Iwan natin sa mga kabataan ang isang mundong ligtas mula sa banta ng mga bagyo at sakunang bunga ng hindi natin pakikinig sa daing ng Inang Kalikasan. Ito ay isang tungkuling nakaugat sa ating pananampalatayang Kristiyano. Biyaya sa atin ng Panginoon ang ating daigdig ngunit sa huli, ito ay hiram lamang natin.