391 total views
Marahil, kapanalig, isang mailap na pangarap talaga ang world peace. Nais nating lahat na mangyari ito, pero ang maraming bahagi ng mundo ngayon ay watak-watak at may giyera.
Maraming punto sa ating kasaysayan kapanalig, kung saan, naaninag ang pag-asang pagkakaisa ng mundo. Isa na rito ay pagtatag ng United Nations noong 1945, matapos ang World War II. Ang UN ay simbolo ng pagkakaisa ng mga bansa, at ang paghahangad nila ng kapayapaan, kaligtasan, at kaunlaran para sa lahat. Hanggang ngayon, ang UN ay patuloy na instrumento sa pagsulong ng pagkakaisa sa buong mundo.
Isa pang punto sa ating magkaka-ugnay na kasaysayan kung kailan naaninag ang pag-asa ng pagkakaisa ay ang malawakang pag-iral ng Internet. Ang Internet ay nagpabilis ng komunikasyon sa pagitan ng mga mamamayan at bansa. Pinabilis din nito ang kaunlaran sa iba-ibang panig ng mundo. Naging mas madali ang palitan ng impormasyon, naing mas madali ang komersyo. Tinatayang halos 5 billion katao na ang gumagamit ng Internet sa buong mundo. Katumbas ito ng 63% ng ating global population.
Sa dami ng taong naabot nito, napaka-makapangyarihan ng Internet, kapanalig. Ayon nga sa Fratelli Tutti: the internet, in particular, offers immense possibilities for encounter and solidarity. Kaya lamang, sa halip na maging instrumento ng pagkakaisa, tila naging instrumento pa ito ng pagkawatak-watak ng mga tao.
Ayon nga sa 2022 Digital News Reports, 42% lamang ng kanilang mga bansang nasurvey ang nagtitiwala sa balita o news. Sa ating bansa, mas marami na nga ang gumagamit ng facebook para sa balita. At dahil nga marami ng sources of information ang mga tao ngayon, at kadalasan, hindi trusted sources of information ang pinanggagalingan ng balita, iba-ibang bersyon ang nakukuha ng mga tao, depende na rin sa kanilang personal na bias o preferences. Dahil dito, lumalawak ang polarization sa lipunan. Nare-reinforce ng algorithm ng social media ang ating mga pansariling bias, na nagpapakitid lalo ng ating pang-unawa sa ating mundong ginagalawan. Sa pagkitid ng ating pang-unawa, nagkakawatak-watak ang lipunan.
Kapanalig, kung nais natin ng bayang nagkakaisa, ng mundong nagkakaisa, kailangan nating suriin ang mga instrumentong ating ginagamit para sa komunikasyon at pakiki-pag-ugnayan. Ang mga social media platforms gaya ng Facebook at twitter, ay kailangan nating suriin. Kailangan din natin sila gawing accountable. Huwag din sana nating kalimutan na ang kapangyarihan ng internet ay nasa ating ding mga kamay o mga daliri. Huwag tayong maging bulag at “passive” na recipient lamang ng newsfeed sa ating mga phones. Kailangan nating siguraduhin na katotohanan, at pawang katotohanan lamang ang dalang balita ng mga social media platforms na ito. Ayon nga sa Fratelli Tutti: The flood of information at our fingertips does not make for greater wisdom. Wisdom is not born of quick searches on the internet nor is it a mass of unverified data. That is not the way to mature in the encounter with truth.
Sumainyo ang Katotohanan.