2,621 total views
Nananawagan sa mga manufacturer ng noche buena products ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas (SLP) na alalahin ang kapakanan ng mga mahihirap bago magtaas ng presyo.
Ayon kay Jun Cruz, Pangulo ng SLP, kulang na sa purchasing capacity ang mamamayan dahil sa epekto ng bagsak na ekonomiya at mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin.
“Malasakit at mas masusing pag-aaral, nagsimula ng mabahala ang mga mamimili sa inanunsyong pahintulot ng DTI sa pagtataas ng mga produktong gamit pang noche buena,” paalala ni Cruz sa panayam ng Radio Veritas.
Umaapela rin ang Pangulo ng SLP sa Department of Trade and Industry (DTI) na muling pag-aaralan sa hakbang.
Iginiit ni Cruz na dapat isulong ng DTI ang interes ng nakakarami sa selebrasyon ng Pasko.
“Nananalangin tayo na ang mga kumpanya at mga taong may kakayanang magbigay ng “Inflationary Gratuity” liban pa sa 13th Month Pay at Christmas Bonus, ay magmalasakit at tumulong na pasayahin ang darating ng Kapaskuhan,” ayon pa sa mensahe ni Cruz sa Radio Veritas.
Batay sa anunsyo ng DTI, aabot sa 195 mula sa 223 noche buena products ang naunang nagtaas ng presyo bunsod ng maatas na halaga ng raw materials.