182 total views
Ito ang panawagan ni Balanga Bishop Ruperto Santos, chairman ng CBCP- Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People sa taumbayan upang ganap na matamasa ang kapayapaan at kaunlaran sa bansa.
Iginiit ni Bishop Santos na maiiwasan lamang ang kasamaan at ang mga sumisira sa bayan kung magkakasamang maninindigan ang mamamayan laban sa mga ito.
“Ang magandang panawagan yung mutual cooperation magtulungan, sino pa ba ang magkakasama, ang magkakapitan kundi tayo na rin. Kailangan natin ang bawat isa at nang ating bansa, kaya magtulungan at kapag may tulungan at damayan may kapayapaan at maiiwasan natin yung mga kasamaan at mga bagay na makakasira sa atin…”pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Radyo Veritas.
Kaugnay nito, naunang umapela ng tulong sa publiko ang Armed Forces of the Philippines para sa pagiging alerto.
Sinabi ng A-F-P na ang pagtiyak sa peace and order ay isang shared responsibility na tungkulin ng bawat mamamayan sa komunidad hindi lamang ng mga sundalo at pulis kundi maging ng bawat mamamayan.
Ayon sa A-F-P, malaki ang maitutulong ng bawat isa sa pagbibigay ng impormasyon upang ganap na mabantayan ang bawat pamayanan mula sa mga kahinahinalang gamit o tao sa komunidad.
Sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang opensibang isinasagawa ng puwersa ng pamahalaan laban sa Maute group sa Marawi City.
Sa pinakahuling datos ng A-F-P at D-S-W-D, umaabot na sa mahigit 400-katao ang nasawi sa labanan habang mahigit sa 400-libong mamamayan na ang apektado ng bakbakan na maitinuturing na bilang isang humanitarian crisis.