261 total views
Pahatid Pastoral ni Arsobispo Socrates B. Villegas para sa Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo, ika 7 ng Oktubre, Unang Biyernes ng Buwan ng Santo Rosaryo.
Mga minanahal na kapatid kay Kristo:
Nakakahiya ang mga nababasa kong balita tungkol sa Pilipinas sa mga pahayag ng international media. Lalo pang nakakahiya ang naririnig ko mula sa ating mga pinuno sa mga balitang pambansa.
Nakakalungkot na naglalaho at gumuguho na ang mga itinatangi nating mga pinahahalagagan bilang mga Pilipino – ang pagiging maka- Diyos, makatao at maka-bayan – ay unti unting napapalitan ng garapalang pagsasalita ng masama, tahasang pagsisinungaling at malulutong na pagmumura.
Ikinatatakot ko na darating ang araw na tutularan ng mga bata ang mga binaluktot na pinahahalagagan. Ikinatakot ko ang isang bukas na madilim at nakakapanlumo sapagkat maaring maipasa ang mga kabuktutang ito sa mga susunod na henerasyon.
Walang hanggan ang aking pamimighati sa dami ng mga pagpaslang na aking narinig at nakita. Nasasaid na ang balon. Hindi na ako makapagbitiw ng mga kataga ng pakikiramay sapagkat walang makapagbigay ng pag asa at katikayan kung bubuti pa ba at magiging maayos pa ba ang lahat.
Sa loob ng ilang buwan na, ang mga kilay ko’y kumukunot – sa pag-aalala, kalituhan at kalungkutan. Sa panalangin kung nag-iisa, umaagos din ang luha. Nakakatakot ang mga bagay na ngayo’y pinagtatawanan at kinukutsa ng aking mga kababayan.
Paano ako nakapagpapatuloy sa buhay? Inuulit ulit ko at pinanghahawakan ang kasabihan: Ang pinakamadilim na bahagi sa magdamag ay bago magbukang liwayway. Ang pinakamadilim na sandali ay ang mga sandali bago sumikat ang isang bagong umaga.
Sa magkabi-kabila ay nangagigipit kami, gayon ma’y hindi nangaghihinagpis; nangatitilihan, gayon ma’y hindi nangawawalan ng pag-asa;
Pinaguusig, gayon ma’y hindi pinababayaan; inilulugmok, gayon ma’y hindi nangasisira (2 Cor.4:8-9)
Sa darating na ika-13 ng Oktubre, siyamnapu’t siyam na taon na ang nakakaraan, nagpakita sa huling pagkakataon ang Mahal na Birhen sa tatlong bata sa Fatima. Nasaksihan ng libu libong mga tao kahit malayo sa lugar ng aparisyon ang himala ng pagsayaw ng araw. Nagpaikot-ikot ang araw na tila babagsak sa lupa at nagpahakbang hakbang bago bumalik sa dati nitong kinalulugaran.
Sinabi ng Mahal na Birhen kay Lucia:
“Ako ang Ina ng Santo Rosaryo. Ipagpatuloy nawa nila ang pagdarasal ng rosaryo araw araw. Matatapos din ang digmaaan at di lalao’y uuwi na sa kanilang mga tahanan ang mga kawal.
“Kailangan nilang magbagong buhay at humingi ng tawad para sa kanilang mga kasalanan. Huwag na sana nilang muling sasaktan ang Panginoong Diyos sapagkat sukdulan na nila siyang binigo at sinaktan.”
Sa kahihiyan, kalituhan, pag aalinlangan, pagtangis, pagkabahala at takot sa kahahantungan ng ating bayan, anong maaring gawin upang mailigtas pa sa pagbagsak ang minamahal nating bayang Pilipinas?
Sa mensahe ng Mahal na Ina, matatapos din ang digmaan at magsisiuwi sa kanilang nga tahanan ang mga kawal. Mararanasan natin na muling magbabalik ang kapayapaan at maitataguyod ang pagkakaisa. Makikita nating mapapanauli ang mabuting ugnayan at paggalang sa isa’t isa.
Paano?
Magdasal tayo ng dalawampung misteryo ng ROSARYO araw araw sa lahat ng lalawigan sa Pilipinas. “Isang Milyong Rosas para sa Mundo – Mga Pilipinong nananalangin para sa Bayan.” Mabisang sandata ang pananalangin ng rosaryo sa ating nga kamay at labi. Kay simple na pinawawalang bahala natin ngunit gayung kamakapangyarihan na mapagbabago ang ating mundo.
Magsimba araw araw upang ang EUKARISTIYA ang pagmulan na paghihilom ng mga Pilipino dito sa Pilipinas at sa ibayong dagat – paghihilom mula sa mga sugat ng galit at pagkamanhid, pagaalinlangan at kawalang pag-ibig, pagkabulag at kawalang pakiramdam, kawalang pakialam at pananamlay. Hihilumin ang ating bayan kung sisikapin nating araw araw na tumanggap ng Banal na Komunyon. Huwag nating kalimutan na ang isang Eukaristiya na mapagmahal na inialay ay sapat nang papanibaguhin ang buong sanlibutan. Paano pa kaya kung para sa ating bansa?
Dumulog din ng madalas sa Sakramento ng KUMPISAL kahit minsan sa isang buwam. Sinabi ng Mahal na Ina sa Fatima: “Huwag na sana nilang muling sasaktan ang Panginoong Diyos sapagkat sukdulan na nila siyang binigo at sinaktan.” Tayo’y magtika at magsakripisyo. Ipangako na sisikaping tutuparin ang mga Utos ng Diyos at pagsisihan ang mga paglabag dito at mga paglapastangan sa Diyos.
Sa kapangyarihan ng banal na Rosaryo, ng dakilang handog ng Banal na Komunyon araw araw at sa mapagpakumbabang pagsisisi sa kasalanan, lalabanan natin ang mga kalituhan at pagkakamali
Taglay ang tatlong banal na sandata mula sa Fatima, magkaisa tayong hilumin ang ating bayan.
Mula sa sugatang kamay at inulos na tagiliran ng Panginoon ng Mabathalang Awa, inaangkin ko na ang pinagdadaanan nating mga pagsubok bilang isang bayan ay ang pinakamadilim na sandali ng gabi.