397 total views
Mga Kapanalig, hindi maikakailang tumatak sa isipan ng mga botanteng Pilipino ang pangako noong kampanya ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr na pabababain niya ang presyo ng bigas sa bente pesos kada kilo. Kung mananalo raw siya, isa sa mga gagawin niya sa unang taon ng kanyang administrasyon ang pagbibigay ng subsidiya sa mga magsasaka. Ipag-uutos din daw niyang bilhin ng gobyerno ang ani ng ating mga magsasaka sa mas mataas na presyo. Hahabulin din daw ng kanyang pamahalaan ang mga cartel na kumokontrol sa suplay ng bigas sa pamilihan. Kapag mas masagana ang ani ng ating mga magsasaka, sasapat daw ang suplay ng bigas kaya’t hindi na raw kailangang mag-import ng bigas mula sa ibang bansa.1
Fast forward sa kasalukuyan, patuloy ang pag-aray ng marami sa presyo ng bigas. Sa mahal nito sa mga pamilihan, naglabas na ang pangulo ng kautusang nagtatakda ng price ceiling sa bigas. Ang isang kilo ng regular-milled rice ay hindi pwedeng ibenta nang lampas sa ₱41, habang ₱45 naman ang pinakamataas na presyo ng isang kilo ng well-milled rice. Maraming manininda ang hiráp sa pagsunod sa price ceiling dahil lugi sila. Binibili kasi nila nang mas mahal sa itinakdang price ceiling ang bigas mula sa mga supplier.
Kaya naman, maging si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay nagsabing “daydreaming” o tila pananaginip nang gising ang bente pesos na kilo ng bigas. Tanggapin na lang daw nating hindi mararating ang ganitong presyo ng bigas. Masyado raw itong mababa at hindi makatotohanan batay sa kasalukuyang kalagayan ng pandaigdigang pamilihan.2
Mabigat na pahayag ito mula sa dating presidenteng nagbitiw din ng pangakong mawawala ang problema natin sa kriminalidad, katiwalian, at ipinagbabawal na gamot sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. Kapag mabigo raw siya, magbibitiw siya sa puwesto.3 Tiyak na marami ring bumoto sa kanya dahil sa pangakong ito—isang pangakong katulad ng pagbababa ng presyo ng bigas ay hindi natupad. Hindi rin naman bumaba sa puwesto ang dating pangulo. Ilang buwan bago matapos ang kanyang termino, inamin ni dating Pangulong Duterte sa isang talumpating nagkamali siya. Nadala lang daw siya ng “payabangan” noong panahon ng kampanya.4
Hindi natin alam kung marami sa mga bumoto sa dati at kasalukuyan nating mga pangulo ang nadismaya sa mga napakong pangako ng kanilang mga piniling iluklok sa pinakamakapangyarihang posisyon sa gobyerno. Ngunit ang malinaw, lahat tayo ay damay sa pinili ng mas nakararami—ng labing-anim na milyong botanteng nasa likod ng pagkapanalo ng isang lider na akala nila ay may kamay na bakal at ng tumataginting na 31 milyong botanteng nagluklok sa anila’y magbabalik sa atin sa pinaniniwalaan nilang “golden age”. Sa kanilang pagboto, pinanghawakan nila ang mga pangakong malinaw namang suntok sa buwan. Patuloy pa rin ang kriminalidad at kalat pa rin ang ipinagbabawal na gamot. Ngayon naman, presyong ginto na ang mga bilihin.
Isa sa mga batayang prinsipyo ng mga panlipunang turo ng Simbahan ay ang tinatawag na common good o kabutihang panlahat. Ito sana ang gumagabay sa atin sa tuwing may eleksyon. Ito sana ang isinasaalang-alang natin kapag pumipili tayo ng mga mamumuno sa ating bayan. Ito sana ang mangibabaw kaysa sa magagandang pangakong naririnig natin. Kapag hinayaan nating maloko tayo ng mabubulaklak na salita at matatayog na mga pangarap na malayo sa realidad, mabibigo tayong makamit ang kabutihang panlahat.
Mga Kapanalig, “ang dila ng may unawa ay nagbubunga ng kaalaman, ngunit ang bibig ng mangmang ay bukal ng kahangalan.” Maging paalala sana ang bersong ito mula sa Mga Kawikaan 15:2 sa tuwing sinusuyo ng mga pulitiko ang sagrado nating boto tuwing eleksyon. Sabi nga, huwag na sana tayong laging magpabudol.
Sumainyo ang katotohanan.