259 total views
Ikinababahala ng isang lider ng Simbahang Katolika ang mga matitinding kalamidad na nararanasan ngayon sa iba’t-ibang panig ng mundo.
Ayon kay Rev. Fr. Edu Gariguez, Executive Secretary ng NASSA/Caritas Philippines, ang malawakang pagbaha na naranasan ngayon sa Houston at kamakailan sa Hong Kong ay isang patunay ng pagdating ng mga mapaminsalang kalamidad na bunga ng pagkasira ng kalikasan.
Iginiit ni Father Gariguez na hindi dapat ipagwalang bahala ang kasalukuyang sitwasyon ng kalikasan at epekto ng nagbabagong klima dahil nakikita natin ang matinding pinsalang dala ng kalamidad nito.
Inihalimbawa ng Pari ang dokumentaryo ni dating US Vice President Al Gore kung saan napatunayan na ang mga kalamidad ay dulot ng pagkasira ng kalikasan.
“Kahapon kasama kami sa paglunsad ng movie ni Al Gore na inconvenient sequel. Bahagi ng documentary film ang pagpapatunay na ang mga nangyayaring extreme weather events ay bunga ng climate crisis. Totoo ito sa mga nangyayaring kalamidad ngayon. Ang nangyari sa Houston at Hong Kong ay bunga ng pagkasira ng kalikasan at klima” mensahe ni Fr. Gariguez sa Radio Veritas.
Kaugnay nito, nanawagan ang Pari sa mga Pilipino na sama-samang tumugon sa panawagan ni Pope Francis na gunitain at ipinalangin ang ating kalikasan kasabay ng isasagawang Walk for Creation sa ika-1 ng Setyembre sa Luneta na pangungunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.
“Kasama ni Pope Francis tayo na nababagabag at nananawagan upang sagipin ang buhay, ito rin ang panawagan sa ‘Walk for Creation’ na gagawin sa Luneta ngayong September 1, 4am at iniimbitahan po namin kayo” ani 2012 Goldman Environmental Prize awardee.
Magugunitang una ng nanawagan ng pakikiisa ang kanyang kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle para sa isasagawang Walk for Creation.