239 total views
Mga Kapanalig, pitong buwan na lang at malalaman na natin ang mga kandidato sa eleksyon sa susunod na taon. Kapansin-pansin na ang panakanakang tarpaulin sa mga kalsada at mga ayudang may nakaimprentang mukha ng mga nais magpabango ng kanilang pangalan sa gitna ng pandemya. Senyales na ang mga ito na panahon na naman ng panliligaw ng mga pulitiko sa mga botante.
Noong nakaraang buwan, nagdaos ang mga tagasuporta ng anak ni Presidente Duterte na si Davao City Mayor Sara Duterte ng isang motorcade sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Layunin ng sabay-sabay na motorcade na hikayatin ang anak ng pangulo na tumakbo sa posisyong iiwan ng kanyang ama. Sa kabila nito, naniniwala si Pangulong Duterte na hindi kaya ng babae—kahit pa ng kanyang anak—ang maging pangulo ng bansa.
Ang mukhang napipisil ng pangulo ang kanyang kanang-kamay na si Senator Bong Go. Noong isang linggo, biniro ng pangulo ang senador sa isa niyang talumpati na nais na daw ipa-announce ng senador sa kanya ang kagustuhan niyang tumakbo sa susunod na halalan. Biro lamang daw ito ng pangulo, paglilinaw naman ni Senator Go. Tatakbo raw siya kung tatakbo ang pangulo bilang kanyang bise-presidente. Hindi ito malayong mangyari dahil ilang linggo na ang nakararan nang maglabas ng resolution ang PDP-Laban, ang partido ng pangulo, na hinihikayat nga siyang tumakbo sa pagkabise-presidente.
Hindi naman ikinatuwa ni Senator Manny Pacquiao ang paglalabas ng nasabing resolution ng PDP-Laban, kung saan siya ang chairman, dahil hindi niya raw ito alam. Binantaan pa ng senador ang vice-chairman ng partido na huwag magdulot ng pagkakahati sa loob ng partido. Matatandaan nating may ambisyon din ang senador na tumakbo bilang pangulo sa susunod na eleksyon.
Samantala, inilunsad noong isang linggo ang 1Sambayan, ang koalisyon ng mga demokratikong grupong tatayong oposisyon sa darating na eleksyon. Pinangungunahan ito nina dating Senior Justice Antonio Carpio, dating Foreign Secretary Albert del Rosario, dating Ombudsman Conchita Carpio Morales, at iba’t ibang personalidad mula sa iba’t ibang sektor at partidong pulitikal katulad ng Bayan Muna at Magdalo. Ayon kay Justice Carpio, hangarin ng koalisyong magsama-sama upang bumuo ng isang pwersang ibabalik ang mabuting pamumuno o good governance sa pamahalaan. Dagdag pa niya, dapat itakwil ng mga Pilipino ang sumusuporta sa mga diktador, ang mga nagtataguyod ng patakarang “kill, kill, kill”, at lahat ng hindi kayang piliin ang Pilipinas sa usaping teritoryo sa West Philippine Sea. Magkakaroon daw ng selection process kung saan may interview at konsultasyon sa taumbayan upang mapili ang ang mga kandidatong susuportahan ng koalisyon.
Mga Kapanalig, naniniwala ang Simabahan sa kahalagahan ng eleksyon sa pagtataguyod ng demokrasya at kaunlaran ng lipunan. Sa pamamagitan ng eleksyon, napapanagot natin ang mga lingkod-bayan na ating iniluklok. Ito ay bahagi ng ating kapangyarihan upang masigurong tumatahak tayo sa daang patungo sa ating mga hangarin bilang isang bayan. Sa harap ng mga pagkilos mula sa iba’t ibang grupong naghahanda na para sa eleksyon, umpisahan natin ang pagninilay at pagpapanagot sa mga kasalukuyan nating lider at ang pagkilatis sa mga susunod nating pinuno. Isang akmang tanong na hango sa 1 Timoteo 3;1: sa kanilang mga nagnanais na maging tagapangasiwa natin, sino nga ba ang naghahangad ng mabuting gawain?
Sa huli, mga Kapanalig, tayong lahat ay responsable sa kapalaran ng ating bayan. Itataya natin ang ating mga paniniwala at prinsipyo sa mga kandidatong pipiliin natin. Nawa’y tulad ng pagsasalarawan ni Pope Francis sa kanyang aklat na Let Us Dream, ang ating mga iboboto ay “mga pulitikong naglilingkod at hindi kinakasangkapan ang taumbayan; silang lumalakad kasama ang sinasabing kinakatawan nila; at silang bitbit ang amoy ng itinuturing nilang kawan.”