208,456 total views
Mga Kapanalig, pinapayagan nang muli ng Philippine National Police (o PNP) ang pagkakaroon ng mga sibilyan ng semi-automatic rifles. Ito ay matapos amyendahan ng PNP ang implementing rules and regulations ng Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Act.
Ipinasá noong 2013 ang naturang batas na naglilimita sa pagmamay-ari ng ordinaryong mamamayan ng baril. Mabababang kalibre lamang ng baril, gaya ng handgun, ang pwede lamang palisensyahan ng mga sibilyan. Tugon iyon sa paglaganap ng tinatawag na loose firearms o mga di-lisensyadong armas at mga lisensyadong baril pero nasa kamay ng iba. Datos mismo ng PNP ang nagsabing maraming krimen noon ay ginamitan ng baril. Nasa 400,000 din daw ang mga loose firearms noon.
Inalmahan ang Comprehensive Firearms and Ammunition Act ng mga tao at grupong concerned daw sa seguridad ng mga sibilyan. Kaya naman, bumuo ang PNP ng isang technical working group na tumalakay sa mga bagay na ito pati na rin sa panganib na maaaring maging kaakibat ng pagmamay-ari ng mga sibilyan ng semi-automatic rifles. Sa huli, paliwanag ng PNP, mas nanaig ang paniniwala ng TWG na kaya namang maging responsable ng mga taong gustong magkaroon ng ganitong uri ng armas. Tiwala ang ating kapulisan na kung responsable talaga ang mga gustong magmay-ari ng riple, papayag silang iparehistro ang kanilang armas.
May mga ilalatag din daw na mga safeguards para hindi abusuhin ang batas. Hindi raw basta-bastang pwedeng magkaroon ng riple ang sinuman. Kasama sa mga requirements ang pagkakaroon ng police clearance, pagsasailalim sa psychiatric at drug tests, at pagdaan sa mga training.
Sa track record ng pagpapatupad ng maraming batas sa ating bansa, mahirap na hindi mangamba sa batas na ito. Kaligtasan at buhay ng tao ang nakataya kapag ang mga armas na ito, mababang kalibre man, ay mapunta sa kamay ng mga iresponsableng tao. Ilang beses na tayong may napanood o nabasang balita tungkol sa mga karahasang sinisimulan ng mga taong may armas. Naaalala pa ba ninyo ang balita noon tungkol sa isang dating pulis na kinasahan ng baril ang isang siklista na nakagitgitan niya sa daan?
May mga nangangamba ring lumaganap ang tinatawag na gun culture dahil sa pagbabagong ito sa regulasyong may kinalaman sa pagmamay-ari ng baril. Ang grupong Gunless Society of the Philippines ay ginawang halimbawa ang mga mass shooting na nangyayari sa Amerika. Doon kasi, mas madaling magmay-ari ng baril ang mga sibilyan bilang pagkilala raw sa karapatan nilang ipagtanggol ang kanilang sarili. Sa tingin ninyo, mga Kapanalig, posible rin ba itong mangyari sa ating bansa?
Hindi natin masisisi ang mga kababayan nating nag-aalala sa kanilang seguridad, lalo na’t hindi mawawala ang mga masasamang-loob na nais mambiktima ng kanilang kapwa. Ngunit hindi ba ito salamin ng kakulangan ng kakayahan ng mga alagad ng batas na protektahan tayong mga mamamayan mula sa kapahamakan? O kaya ay ng kawalan natin ng tiwala sa kanilang agad na rumesponde kapag may krimen?
Sa isang panayam noong isang taon, sinabi ni Pope Francis na ikinalulungkot niya na ang paggamit ng baril ng mga sibilyan upang ipagtanggol ang kanilang mga sarili ay naging “habit” na, nakagawian na. Binatikos niya ang malalaking negosyong nakikinabang sa paglalako ng ideyang baril ang pananggalan ng tao laban sa kasamaan. Mahigpit man o hindi ang mga regulasyon, tinutulungan ng pagbebenta ng mga baril at armas ang mga taong pumatay.
Mga Kapanalig, sikapin nating umiwas sa karahasan at sa paggamit ng mga armas. Sikapin nating gawing “talim ng araro ang mga tabak, at karit naman ang mga sibat,” paalala nga sa Mikas 4:3. Dasal nating hindi maabuso ang batas ng bansa tungkol sa pagmamay-ari ng baril.
Sumainyo ang katotohanan.