573 total views
Mga Kapanalig, malaking balita noong nakaraang linggo ang pagdakip kay opposition senator Antonio “Sonny” Trillanes IV matapos ipawalambisa ni Pangulong Duterte ang amnestiyang iginawad sa senador matapos ang pangunguna nito sa pag-aalsa laban sa administrasyong Arroyo. Nakapagpiyansa siya at ngayon nga’y nakauwi na sa kanyang pamilya.
Ngunit hindi natin ito ikinagulat. Naging tatak na ng administrasyong Duterte na wasakin ang kredibilidad ng mga pumupuna sa mga patakaran at pangungusap nito. Una na riyan si Senadora Leila de Lima na nakakulong pa rin hanggang ngayon sa kasong hindi pa rin malinaw ang batayan. Ang alam lang natin, isa ang senadora sa mga unang pumuna sa brutál na kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.
Nakita rin natin kung paano binaluktot ng administrasyon, katuwang ang mga kaalyado sa Kongreso at Korte Suprema, ang batas upang patalsikin si Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Sa halip na idaan sa impeachment trial ang sinasabing kaso laban sa punong mahistrado, idinaan ito sa quo warranto na hindi naman pinahihintulutan ng ating Saligang Batas.
Pati ang Simbahang Katolika, target din ng administrasyon. Hindi na natin mabilang ang mga pagkakataong ginamit ng pangulo ang kanyang mga talumpati upang siraan ang Simbahang pumupuna sa mga patakarang hindi iginagalang ang buhay ng tao. Ang mga napapatay na pari, ginagawan niya ng intriga. Ang mga dayuhang misyonero, hindi rin exempted sa mga paninira ng pangulo.
At ngayon nga, si Senador Trillanes naman ang pinag-iinitan ng administrasyon. Hindi na kaila sa atin ang pagiging kritiko ng senador, at inamin naman ito ng tagapagsalita ng pangulo. Sabi ng presidential spokesperson, sadyang inuna ng administrasyon ang senador bilang lider ito ng Magdalo, ang grupo ng mga dating sundalong nagrebelde laban kay dating Pangulong Arroyo.
Mga Kapanalig, mahalaga sa demokrasya ang pagkakaroon ng magkakaibang pananaw sa mga isyung kinakaharap ng bayan. Pinahahalagahan sa isang demokrasya ang malayang pagpapahayag ng pananaw at saloobin ng mga tao at grupong bumubuo sa isang lipunan dahil sa pamamagitan ng pagsusuri at pagtitimbang sa mga ito, nalalaman natin kung ano ang nararapat na gawin para sa tunay na ikabubuti ng lahat. Halimbawa, sa isyu ng ilegal na droga, mahalagang isinasaalang-alang ng mga bumubuo at nagpapatupad ng mga batas ang sinasabi ng ibang hindi matutuldukan ang problemang ito sa pamamagitan ng pagpatay at pagpapalaganap ng kultura ng takot sa mga mamamayan. Subalit, kung ang paiiralin ng mga may katungkulan ay ang paraang sa kanilang paniwala’y epektibo at tama, pagdidikta na ang kanilang ginagawa. Taliwas na iyon sa diwa ng demokrasya.
Mahalaga rin sa demokrasya ang magkakaibang pananaw upang maging mas malinaw sa atin kung anu-ano ang pinahahalagahan natin bilang isang bayan—anu-ano ang values natin bilang isang sambayanan. Hindi ito mangyayari kung igigiit ng iilan ang mga values na para sa kanila’y wasto at nararapat. Halimbawa, kung ang sinasabi ng mga lider natin ngayon ay walang karapatang pantao ang mga drug addict, masasabi rin ba nating ang mga Pilipino ay walang pagpapahalaga sa buhay ng kanyang kapwa? Hindi rito naniniwala ang mga kritiko ng kasalukuyang administrasyon kaya’t gumagawa sila ng mga paraan upang ipakita sa mga nasa poder na may mali sa pinaiiral nilang kaisipan at ipinatutupad na patakaran.
Ngunit ano ang tugon ng administrasyon sa mga pumupuna sa mga ginagawa nito? Sa halip na mahinahon at matalinong makipagtalastasan, ipinakukulong nila ang kanilang mga kritiko, sinisiraan nila ang mga ito gamit ang tsismis at intriga. Sa maikling salita, pinatatahimik sila.
Mga Kapanalig, sabi nga ni St John Paul II sa Centesimus Annus, “democracy without values easily turns into open or thinly disguised totalitarianism.” Anu-anong values ang tinutungnungan ng demokrasya sa Pilipinas? Hindi kaya nagbabalat-kayo lamang bilang demokrasya ang totalitaryanismong umiiral sa atin ngayon?
Sumainyo ang katotohanan.