1,369 total views
Nagpahayag ng suporta ang Alyansa Tigil Mina kay Finance Undersecretary Cielo Magno para sa kanyang matatag na paninindigan hinggil sa mga patakaran sa pananalapi ng bansa.
Ayon kay ATM national coordinator Jaybee Garganera, ang pagbibitiw ni Magno bilang opisyal ng Department of Finance ay inaasahan na rin dahil sa kanyang paninindigan para sa pagkakaroon ng malinaw at maayos na pamamahala.
Kabilang na rito ang pagsusulong na taasan ang buwis sa industriya ng pagmimina na taliwas sa mga layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
“Her advocacy for increased taxes on mining corporations was clearly inconsistent with the agenda of House Speaker Martin Romualdez and contributed to her unpopularity inside the government.” pahayag ni Garganera.
Ayon sa mga naunang ulat, sapilitang nagbitiw si Magno dahil sa kanyang hindi pagsang-ayon sa mandato ng administrasyon hinggil sa price ceiling sa bigas.
Samantala, hindi naman sang-ayon ang ATM sa pahayag ni Executive Secretary Lucas Bersamin na sinisiraan ni Magno ang pamahalaan, bagkus, ginagampanan lamang ng opisyal ang kanyang tungkulin bilang mabuting lingkod-bayan.
“We stand with Prof. Magno and wish her well in her endeavors as she continues to create change and make an impact working with various groups and individuals. We thank her for her unadulterated service to the nation,” ayon sa grupo.
Ipagpapatuloy naman ni Magno ang kanyang pagiging associate professor sa University of the Philippines School of Economics pagkatapos ng kanyang panunungkulan sa pamahalaan.
Nakasaad sa Evangelii Gaudium ni Pope Francis ang kanyang panalangin na madagdagan pa ang mga pulitiko na tapat sa kanilang mga tungkulin at nakahandang tumugon para sa kabutihan ng mamamayan.